Aquino

Panukala ni Aquino na P500M ilaan sa allied health students aprub sa bicam

143 Views

INAPRUBAHAN ng Bicameral Conference Committee ang panukala ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino na maglaan ng ₱500 milyon sa 2026 national budget bilang one-time financial assistance para sa Related Learning Experience (RLE) requirements ng mga estudyanteng kumukuha ng allied health sciences programs.

Ayon kay Aquino, ang ₱500 milyong alokasyon ay inirekomenda niya bilang kanyang individual amendment sa mga pagdinig ng Senado sa budget at ilalagay sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program. Ang halaga ay partikular na itatalaga para sa “Financial Support for RLE Requirements in Allied Health Sciences Programs.”

Ang RLE ay tumutukoy sa mandatory clinical training na katulad ng on-the-job training, na ayon kay Aquino ay nagiging napakamahal na para sa maraming estudyante at kanilang pamilya, dahilan upang ang ilan ay mapilitang huminto sa pag-aaral bago makapagtapos. “Iyong RLE na napakamahal, maraming nagda-dropout na nursing students. Ngayon, may subsidiya, kasama na sila,” sinabi ni Aquino sa isang panayam sa telebisyon.

Sinabi ni Aquino na inaasahang makatutulong ang pondo upang maiwasan ang pag-dropout ng mga estudyante at masuportahan ang kanilang pagtatapos sa kinakailangang clinical training.

Dagdag niya, maglalabas ang Commission on Higher Education (CHED) ng implementing guidelines, kung saan bibigyang-prayoridad ang mga estudyanteng mula sa mababang kita na pamilya.

Ayon kay Aquino, unang inilahad sa kanya ng mga nursing students ang problema sa mahal na gastusin sa RLE noong 2025 senatorial campaign, na anila ay isa sa mga pangunahing hadlang sa pagtatapos ng kanilang kurso. “Ipinaabot nila sa atin noon na maraming nursing students ang napipilitang mag-dropout dahil sa mahal na gastusin para sa RLE. Nangako tayo sa kanila noon na gagawan ito ng paraan,” aniya.

Saklaw ng probisyon ang mga estudyante sa allied health sciences programs kabilang ang nursing at iba pang kurso gaya ng medical technology, pharmacy, physical therapy, occupational therapy, respiratory therapy, radiologic technology, midwifery, nutrition and dietetics, speech-language pathology, dentistry, psychology, at iba pang kaugnay na larangan.

Upang maging institusyonalisado ang subsidiya, naghain din si Aquino ng Senate Bill No. 123 na naglalayong ipagbawal ang paniningil ng RLE fees sa state universities and colleges at local universities and colleges, at maglaan ng pondo sa pamamagitan ng CHED.

Binanggit din ni Aquino ang pag-apruba ng bicam sa patuloy na pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act at Tertiary Education Subsidy, at sinabi na ang kabuuang alokasyon para sa sektor ng edukasyon sa 2026 national budget ay umabot sa ₱1.38 trilyon.