Calendar
Walang pork sa Senado, pondo institutional at transparent — Lacson, Gatchalian
MARIING itinanggi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang alegasyon kamakailan lamang na may ₱17.9-bilyong pork barrel ang Senado sa panukalang 2026 national budget, at iginiit na ang tinutukoy na halaga ay realignment para sa pagtaas ng subsistence allowance ng mga uniformed personnel.
Ito ay kaugnay ng paratang ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na may umano’y ₱17.9-bilyong “LGU pork” sa bersyon ng Senado ng 2026 General Appropriations Bill, na aniya’y kinuha mula sa benepisyo ng mga rank-and-file na kawani ng gobyerno at inilipat sa discretionary funds.
“Gusto kong i-clarify, mali ang sinasabi niya. Ang line na kinuha sa MPBF o Miscellaneous Personnel Benefits Fund, realign talaga ‘yan pero sa additional subsistence allowance ng uniformed personnel,” ayon kay Lacson sa panayam sa DZBB.
Ayon pa sa senador, ang pondo ay para sa karagdagang subsistence allowance ng mga tauhan ng Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard.
Binigyang-diin ni Lacson na ang nasabing pagbabago ay isang institutional amendment at walang indibidwal na mambabatas ang makikinabang. “Institutional amendment ‘yan. Walang proponent na makikinabang diyan,” aniya.
Samantala, tinawag ni Senate Finance Committee Chairperson Sen. Win Gatchalian na “baseless and grossly misleading” ang alegasyon ni Tinio at itinanggi na may pork barrel na inilaan ang Senado sa pondo ng mga local government unit para sa 2026.
“The Senate’s adjustments to the national budget were made with full transparency and in line with constitutional mandates,” pahayag ni Gatchalian.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pagtaas ng Local Government Support Fund ay hindi pork at layong palakasin ang kakayahan ng mga LGU na pondohan ang mga pangunahing serbisyo tulad ng health centers, classrooms, at disaster preparedness programs.
Dagdag pa niya, hindi dapat ipakahulugan bilang bawas sa benepisyo ng mga kawani ng gobyerno ang pagbabawas sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund, dahil nilinaw ng Department of Budget and Management na ito ay isang reserve fund para sa contingencies at hindi direktang alokasyon para sa sahod o benepisyo.
Sa gitna ng bicameral conference committee deliberations sa 2026 budget, inulit ni Lacson na hindi siya pipirma sa bicam report hangga’t hindi naitatama ang mga probisyong may kinalaman sa iminungkahing pagtaas ng pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients at alokasyon para sa farm-to-market roads.
Sinabi niyang itinutulak ng House contingent ang pagtaas ng badyet ng MAIFIP sa ₱51 bilyon.
Nanawagan din si Lacson sa publiko at media na maging mapagmatyag, at binanggit na naka-livestream ang mga pagdinig ng bicameral committee. “Naka-livestream naman ang bicam. Bantayan natin,” aniya.
“All our amendments are institutional and openly proposed on the Senate floor during the period of individual amendments. Naka-transcribe lahat ‘yan at bahagi ng Senate records,” dagdag pa ni Lacson.

