Calendar
Panukala para palakasin NHA, mabilis na pinagtibay ng Kamara
APRUBADO na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na naglalayong palakasin ang National Housing Authority (NHA) upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng sariling bahay.
Sa botong 188 pabor, at walang kumontra, inaprubahan ng Kamara ang House Bill (HB) No.10172 o ang National Housing Authority Act.
Ang HB 10172 ay binuo mula sa walong panukala—ang HB Nos. 954, 1429, 2300, 2994, 6390, 8156 8758, at 9258.
Binigyang halaga ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng pagpapalakas sa pabahay upang mapababa ang kahirapan, isulong ang climate resilience, mas maayos na kalusugan, at pagsulong ng sosyo kultural at pag unlad ng ekonomiya.
“This bill seeks to develop integrated, sustainable, safe, affordable and resilient communities, particularty for the underprivileged and homeless as well as low-income households,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Sa ilalim ng panukala, kumpiyansa si Speaker Romualdez na makalilikha ng mga makabago at alternatibong solusyon para tugunan ang pangangailangan sa matitirahan ng mga informal settler families, lower-income classes at vulnerable sectors.
Isinusulong din nito ang mas maayos na paraan ng pagbili at pamamahala ng lupa.
Palalawigin din ng panukala ang corporate term ng NHA ng 25 taon sa ilalim ng pamamahala ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Binibigyang kapangyarihan nito ang ahensya na tukuyin, magtatag at ipatupad ang pinaka epektibong programa sa pamamahala o pamimigay ng housing o resettlement project at pagbili ng lupa para sa pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Ginagawaran din nito ng kapangyarihan at mandato ang NHA na bumuo at magpatupad ng komprehensibo at magkakaugnay na housing at urban at rural development programs para sa taumbayan lalo na para ayusin ang mga nasirang urban area para mailipat ang mga informal settler families, underprivileged at walang tahanan, relokasyon ng mga pamilya salig sa court-ordered eviction, pabahay para sa mga empleyado ng gobyerno, militar at iba pang unipormadong hanay at relokasyon ng mga nakatira sa danger areas.
Pahihintulutan din ang NHA na pumasok sa land banking para sa pagpapatayo ng socialized housing at pakikibahagi ng publiko sa pamamagitan ng konsultasyon at pagkakaroon ng people’s plan, kung kinakailangan.
Ang NHA ang magsisilbing central repository ng mga datos kaugnay sa mga kabahayan na nakatayo malapit sa mga daluyan ng tubig, danger areas, government infrastructure project site, at mga lupang pagmamay-ari ng gobyerno sa Metro Manila.
Kailangan tumalima ang NHA sa probisyon ng Republic Act (RA) No. 10149, o “GOCC Governance Act of 2011”, bilang isang government owned or controlled corporation (GOCC).
Aayusin din nito ang kanilang Board of Directors para makasunod sa National Human Settlements Board salig sa RA No. 11201, o “Department of Human Settlements and Urban Development Act”.
Sasailalim sa mandatory review ng DHSUD, Commission on Audit, at Governance Commission for Government Owned or Controlled Corporations ang NHA.