EJK

Panukalang batas inihain ng Quad Committee na nagde-deklara sa EJK bilang heinous crime

Mar Rodriguez Oct 11, 2024
79 Views

EJK1EJK2EJK3TINIYAK ng mga kasapi ng House Quad Committee sa ilalim ng pamumuno ni Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace S. Barbers na sisikapin nilang makamit ng mga naging biktima ng Extra-Judicial Killings (EJK) ang hustisya na nangyari noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ito ay matapos ihain ng mga miyembro ng House Quad Committee ang House Bill No. 10986 o ang “Anti-EJK Act” na isinulong nina House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr., Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, Cong. Ace Barbers, Bienvenido “Benny” Abante, Jr., Dan Fernandez at Joseph Stephen Paduano.

Paliwanag ni Barbers na layunin ng inihain nilang panukalang batas o ang Anti-EJK law na maigawad at maisulong ang hustisya at accountability sa hanay ng mga taga-pamahalaan at awtoridad na sangkot o responsable sa iba’t-ibang krimen na mayroong kaugnayan sa madugong war-on-drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte na ikinamatay ng libo-libong inosenteng sibilyan.

Ayon kay Barbers, ang isinulong nilang panukalang batas ay batay sa rekomendasyon ng Quad Committee ng Kamara de Representantes alinsunod sa resulta ng kanilang pagsisiyasat sa EJK na naganap noong nakaraang administrasyon.

Sabi pa ng kongresista, sakaling maging ganap na batas. Ang sinomang mahatulan na nasangkot sa EJK ay papatawan ng habambuhay na pagkakabilanggo o reclusion perpetua nang walang “parole” na nangangahulugan na duon na umano mabubulok sa loob ng kulungan ang mga taong masasangkot sa EJK.

Habang ang pamilya ng mga naging biktima ng EJK ay pagkakalooban ng “repatriation” o bayad-pinsala kung saan bubuo ng isang EJK Claims Board para sa pagbibigay ng kompensasyon para sa mga EJK victims.

“Sa lahat po ng aming ginagawa, wala kaming gustong sirain at wakasan kundi ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Ang pagmamalabis, ang panloloko at pagsasamantala ng mga dayuhan, pagnanakaw sa kaban ng bayan, pananakot at pagpatay ng walang katwiran o pagsasa-alang alang sa karapatang pantao kapalit ng pangakong salapi, promosyon sa posisyon o pagbabalik sa serbisyo,” sabi ni Barbers.

Naniniwala ang mga authors ng Anti-EJK Law na sa pagsasabatas ng naturang panukala. Maibibigay ang hustisya para sa mga naging biktima at kanilang pamilya ng EJK at magbibigay ng malinaw mensahe na ang anomang karahasan na ginawa sa labas ng legal na proseso ay hindi kukunsintihin.