Chiz

Panukalang batas na nagpapaliban sa BARMM polls inihain ni SP Chiz

90 Views

NAGHAIN na noong Lunes si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng panukalang-batas upang ipagpaliban ang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nag-aalis sa Sulu mula sa rehiyon.

Ang unang parliamentary election ng BARMM nakatakdang ganapin sa 2025 ngunit isinusulong ni Escudero na gawin ito sa Mayo 11, 2026 upang bigyang-daan ang rehiyon na muling ayusin ang mga hurisdiksyon nito gayundin ang muling paglalaan ng mga puwesto sa 80-member parliament.

Ayon kay Escudero, umaasa siya na isesertipika bilang urgent ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang panukala–Senate Bill No. 2862—dahil sa kahalagahan ng panukala at sa masikip na iskedyul ng Senado at House of Representatives sa natitirang bahagi ng ika-19 na Kongreso.

Binigyang-diin ni Escudero sa kanyang panukalang-batas na ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema “nagbibigay ng isang makapangyarihang dahilan upang ipagpaliban ang regular na eleksyon sa Bangsamoro dahil sa mga implikasyon nito sa batas tungkol sa pag-aalis sa Sulu mula sa autonomous region.”

Sa kanilang resolusyon, pinagtibay ng Korte Suprema ang bisa ng Bangsamoro Organic Law, ngunit idineklara rin na ang Sulu hindi bahagi ng BARMM matapos itong tanggihan ang batas sa plebisito noong 2019.

Ang lalawigan ng Lanao del Norte, mga munisipyo sa North Cotabato at iba pang lugar nagpetisyon para sa boluntaryong pagsali sa BARMM.

Karamihan sa mga lalawigan na bumubuo sa dating Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) nagpatibay sa batas maliban sa Sulu, ngunit isinama pa rin ito sa BARMM.

Ang BARMM parliament nagtatag ng 32 parliamentary districts sa Basilan, Tawi-Tawi, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Cotabato City, ang Bangsamoro Special Geographic Area sa Cotabato province at sa Sulu.

Isang kabuuan ng 80 kasapi ng parlamento ang ihahalal mula sa 32 parliamentary districts, kabilang ang pitong kinatawan mula sa Sulu.

“Halimbawa mayroong pito o walong kinatawan ng Sulu sa BARMM parliament, paano ‘yun kung hindi na sila bahagi ng BARMM? Paano i-a-allocate ‘yun?

Hindi naman pwedeng basta-basta na lamang ibawas. Paano ‘yung mga party-list groups na doon lahat nakarehistro at ‘yung mga sectoral groups na doon din nakarehistro?” ayon kay Escudero.

Nagsimula nang tumanggap ang Commission on Elections ng mga sertipiko ng kandidatura para sa 2025 BARMM parliamentary elections at magpapatuloy ito hanggang Nobyembre 9 habang hinihintay ang aksyon ng Kongreso sa posibleng pagpapaliban ng halalan.

Bukod sa pag-aalis ng Sulu mula sa BARMM, sinabi ni Escudero na ang mga pagdinig na isasagawa ng Senado maaari ring magsilbi upang linawin ang mga isyu sa likod ng hakbang ng Bangsamoro Transition Authority parliament na lumikha ng bagong probinsya na tinatawag na Kutawato Province, na binubuo ng walong bagong itinatag na munisipyo na bahagi ng Special Geographic Area sa BARMM.

Sinabi ni Escudero na ang paglikha ng bagong probinsya nangangailangan ng pagbuo ng isang legislative district upang hindi madiskuwalipika ang mga botante mula sa walong apektadong munisipyo na kinabibilangan ng Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, at Ligawasan, na pawang matatagpuan sa North Cotabato.