Rep. Dean

Panukalang batas para sa drivers na sangkot sa aksidente suportado

Mar Rodriguez Feb 17, 2026
309 Views

SINUSUPORTAHAN ni Caloocan City Rep. Dean Asistio ang panukalang batas sa Kamara de Representantes upang hindi laging ang mga draybers ang may laging kasalanan sakaling masangkot sa aksidente.

Ang naging pahayag ni Asistio ay kaugnay sa aksidente sa LRT-1 FPJ station sa Muñoz, EDSA kung saan nahulog ang isang estudyante mula sa LRT platform at nasagasaan ng sedan na dumadaan sa EDSA.

Binigyang diin ni Asistio na ang pag-aresto at pagkulong sa mga motorista ng walang “probable cause” ay hindi umano makatarungan sapagkat hindi sinasadya at hindi kagustuhan ng inosenteng driver ang pangyayari.

“Hindi maaaring ikatuwiran na hindi nag-iingat ang driver sa kaniyang pagmamaneho kung ang biktima mismo ang tumalon mula sa LRT 1 station at nahulog sa ibaba.

Nagkataon lang na paparating ang sasakyan kaya niya nasagasaan, iyan ang nakakalungkot kasi hindi nila kagustuhan eh’ sila ang may kasalanan,” wika ni Asistio.

Nagpasa ang kongresista ng House Bill No. 110 para magkaroon ng hustisya para sa mga drivers na nasasangkot sa mga hindi sinasadyang aksidente subalit sa kabila nito ay sila parin ang pinananagot.

Dapat na maging parehas ang batas para sa mga motorista na wala naman talagang kasalanan sa aksidente subalit sa kasamaang palad ay sila ang nakakasuhan at nakukulong, ayon sa mambabatas.