Barzaga

Sinapit ni Barzaga dapat sa kanya–Rep. Valeriano

Mar Rodriguez Feb 17, 2026
256 Views

DAPAT lang sayo ‘yan!”

Ito ang sinabi ni Manila Rep. Rolando Valeriano kay Cavite Rep. Kiko Barzaga na ayon sa kanya’y dapat lamang disiplinahin at maturuan ng leksyon ang suspendidong kongresista dahil sa padaskol-daskol na ugali.

Ipinaliwanag ni Valeriano na maraming tao ang nasaktan at nasagasaan sa mga binitiwang pahayag ni Barzaga kasama ang mga mapanirang posts nito sa social media.

Ayon sa kongresista, kabilang sa mga nilapastangan ni Barzaga ay sina yumaong Antipolo City Rep. Romeo Acop at ang pag-uugnay naman nito sa nasawing si Iloilo City Vice-Mayor Aimee Paz Lamasan sa flood control scandal.

Iginigiit ni Valeriano na maaaring ikinatutuwa pa ni Barzaga ang atensiyong nakukuha nito dahil sa pagkakasangkot nito sa kontrobersiya.

Nilinaw ni Valeriano na hindi siya galit kay Barzaga subalit kailangan umanong turuan ng leksyon ang kongresista dahil sa walang ingat na pagkilos.