Calendar
Panukalang batas para sa karagdagang disability pension ng mga beterano, pinagtibay na ng Senado
MAKALIPAS ang halos tatlong dekada, makatatanggap na ang mga beteranong may kapansanan ng mas mataas na buwanang disability pension matapos ratipikahan ng Senado ang reconciled bicameral conference committee report hinggil sa panukalang batas na magpapataas sa mga benepisyo ng mga beteranong sundalo at kanilang mga dependents.
“Para sa mga beterano nating mga sundalo at kanilang pamilya, malaking tulong sa kanilang arawang gastusin ang pagtaas ng kanilang buwanang disability pension. Ang kasalukuyang natatanggap nila na may halaga na lang na P287 ay hindi sapat kahit man lang para makapanood sila ng sine. Paano pa kaya kung ipambibili nila ito ng kanilang gamot? Kaya makatwiran lamang na ibigay natin ang nararapat na benepisyo na utang natin sa kanila,” ani Senador Jinggoy Ejercito Estrada, principal author at sponsor ng Senate Bill 1480.
Sa pinagtibay na panukalang batas, sinabi ni Estrada, na siyang chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security, na maitutuwid na ng gobyerno ang malaking kawalan ng hustisya at mabibigyan na ng karampatang dignidad, respeto at pangangalaga ang mga beteranong may kapansanan.
Ang disability base rate ay itataas sa P4,500 mula sa kasalukuyang P1,000 o pagtaas na 350 porsyento. Ang mga kasalukuyang tumatanggap ng P1,700 na may pinakamataas na disability rating ay tatanggap ng P10,000 o pagtaas ng P8,300 na katumbas ng 488 porsyento. Ang buwanang pensyon na P500 para sa asawa at bawat menor na edad na anak ay iaangat sa P1,000.
Halos walang pagkakaiba ang mga probisyon ng Senate Bill No. 1480 at House Bill No. 7939 na mag-aamyenda sa Republic Act 6948 dahil sumang-ayon ang mababang kapulungan na gamitin ang bersyon ng Senado bilang working draft, sabi ni Estrada.
Pareho rin ang iminungkahi na mga rates ng pagtaas ang dalawang kapulungan, dagdag pa niya.
Bukod dito, pinagtibay rin ang Section 1 ng bersyon ng Senado na nagpasimple at nagpalinaw sa probisyon kung sino ang karapat-dapat makatanggap ng Total Administrative Disability pension na P1,700. Saklaw nito ang mga beterano na umabot na sa edad na 70 ngunit hindi pa nakatanggap ng anumang disability pension.
Ito ang ikalawang panukalang batas na pangunahing inakda at itinaguyod ni Estrada na pinagtibay na ng Senado sa ilalim ng kasalukuyang 19th Congress. Nauna na dito ang bill na nag-aamyenda sa mga tuntunin sa takdang termino at tours of duty ng Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff at iba pang matataas na opisyal ng militar.
Nilagdan ni Pangulong Marcos noong Mayo 17 ang Republic Act 11939 o ang Act Further Strengthening Professionalism and Promoting the Continuity of Policies and Modernization Initiatives in the AFP, na nag-amyenda sa RA 11709.