Calendar
Panukalang budget ng NIA para sa 2026 pinagtanggol ni Sen. Kiko
IPINAGTANGGOL ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang panukalang ₱54.79-bilyong budget ng National Irrigation Administration (NIA) para sa 2026, na layong palawakin ang saklaw ng irigasyon, tulungan ang mga magsasaka, at palakasin ang transparency sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Kasama sa panukalang pondo ang ₱50 milyon para sa mga transparency tool tulad ng online dashboard na magpapahintulot sa publiko at mga magsasaka na makita ang progreso ng mga proyekto, mga kontraktor, at status ng irigasyon. Ayon kay Pangilinan, hakbang ito para tiyaking “transparency is key to public accountability.”
Ang depensa sa budget ay isinagawa matapos isumite ng NIA ang updated data na hiningi nina Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, Senator Raffy Tulfo, at Senator Rodante Marcoleta.
Kabilang dito ang datos sa 265 national irrigation systems, inspection reports ng Small Reservoir Irrigation Projects, listahan ng mga kontraktor na may hawak na repair works, mga benepisyaryong magsasaka, at compliance papers ng high-dam projects.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Pangilinan na mahalaga ang maunlad at maaasahang sistema ng irigasyon para sa mas mataas na ani at mas matibay na adaptasyon ng mga magsasaka sa pagbabago ng klima. “Irrigation is the most powerful force multiplier in Philippine agriculture,” aniya. “Sabi nga po, kung walang tubig, walang tutubo. It is also our most effective climate adaptation tool, protecting farmers from drought, erratic rainfall, and extreme weather.”
Sasaklawin ng pondo ang konstruksyon, rehabilitasyon, pagpapalawak, at monitoring ng national, communal, at pump irrigation systems, pati na rin ang multipurpose projects. Layunin nitong masiguro ang maayos na daloy ng tubig “mula ilog hanggang kanal, kanal hanggang bukid, at bukid hanggang hapag ng pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng abot-kayang pagkain.”
Dagdag pa niya, bahagi ang pagpapalakas ng irigasyon sa mas malawak na layunin ng modernisasyon ng kanayunan, pagsuporta sa lokal na produksyon, at pagtulong sa maliliit na magsasaka na humaharap sa epekto ng klima at tumataas na gastusin sa pagsasaka.
Sinabi rin ni Pangilinan na makatutulong ang transparency allocation upang masundan ng publiko kung paano ginagamit ang pondo at kung nakararating ba ito sa mga komunidad na higit na nangangailangan. Ang mas malinaw na impormasyon sa water supply at proyekto ay makatutulong umano sa mga magsasaka sa pagpaplano ng cropping schedule.
Para sa urban poor at middle class, inaasahang makatutulong ang mas malawak na irigasyon sa pag-stabilize ng supply ng pagkain at pagpigil sa biglaang pagtaas ng presyo ng bigas. Para naman sa mga komunidad sa kanayunan at maliliit na agribusiness, magbibigay ito ng mas matatag na suplay ng tubig, mas mataas na ani, at mas matibay na proteksiyon laban sa masamang panahon.
Tiniyak ni Pangilinan na patuloy siyang magtutulak ng mas malakas na suporta at “solutions-based policies” para sa sektor ng agrikultura.

