Laguesma

Panuntunan kaugnay ng sahod kapag pasok sa trabaho sinuspendi dulot ng masamang panahon, inilabas ng DOLE

151 Views

NAGLABAS ng panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng sahod ng mga empleyado sa panahon na sinuspendi ang pasok dahil sa masamang panahon.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma dapat ay buo ang arawang bayad ng empleyado kung nagtrabaho ito ng hindi bababa sa anim na oras.

Sinabi ni Laguesma na ang mga pribadong employer ay mayroong kapangyarihan na suspendihin ang pasok ng kanilang manggagawa upang mapangalagaan ang mga ito.

Alinsunod sa Labor Advisory No. 17, Series of 2022 hindi babayaran ang mga empleyado na hindi pumasok maliban na lamang kung mayroong polisiya ang kompanya para rito.

Kung ang empleyado ay pumasok ng hindi bababa sa anim na oras bago pinauwi, ito ay makatatanggap ng bayad para sa walong oras na trabaho.

Kung wala namang anim na oras ang ipinagtrabaho nito, ang empleyado ay makatatanggap ng angkop na bayad kada oras na ipinasok maliban na lamang kung mayroong polisiya ang kompanya na mas paborable sa empleyado.

Maaari rin umanong magbigay ng insentibo ang kompanya para sa mga empleyado na papasok sa kabila ng masamang panahon.

Hindi naman maaaring gamitin ng kompanya ang hindi pagpasok ng empleyado dahil sa masamang panahon para ito ay patawan ng parusa.