Para sa lumalaking bilan ng seniors ang PH Geriatric Act, ayon sa senador

148 Views

SINABI ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na hakbang ang pag-apruba ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa sa panukalang Philippine Geriatric Center Act para maitugma ang serbisyong pangkalusugan sa pangangailangan ng lumalaking populasyon ng senior citizens.

“As our population ages, our health system must be ready to care for the conditions that come with aging,” sabi ng senador.

Inaprubahan sa final reading noong nakaraang Lunes ang Senate Bill No. 1509 na inisponsoran sa plenaryo ni Sen. Risa Hontiveros at inakda nina Zubiri at Sens. Mark Villar, Bong Go, Lito Lapid, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Robin Padilla, JV Ejercito, Ronald “Bato” Dela Rosa, Camille Villar, Kiko Pangilinan at Pia Cayetano.

Ayon kay Zubiri, kabilang ang panukala sa mga prayoridad sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council at nagpapakita ito ng pagkilala ng Kongreso at ng Ehekutibo na dapat sumabay ang polisiya sa kalusugan sa mga pagbabagong demograpiko.

Sinabi ni Zubiri na layon ng panukala na magtatag ng tertiary specialty hospital sa ilalim ng Department of Health na tututok sa komprehensibong serbisyong geriatric.

Magsisilbi rin ang ospital biland sentro para sa training at research upang maiangat ang pamantayan ng pangangalaga sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Dagdag niya, palalakasin din ng panukala ang koordinasyon ng mga pangunahing ahensya tulad ng DOH, Department of Social Welfare and Development, National Commission of Senior Citizens, mga lokal na pamahalaan at PhilHealth upang mas maihanay ang serbisyong pangkalusugan, social protection at mga suportang kailangan ng mga nakatatanda.

“I have high hopes that this measure will make a real difference in the lives of our senior citizens, not just by improving access to care, but by giving families greater confidence that their loved ones are being looked after with dignity and competence,” ani Zubiri.