Calendar
Binigyang diin ni Sen Bam Aquino ang problema sa siksikan ng classroom ng mga mag – aaral, pati contribution sa school maintenance na sinisingil sa parents/teacher association sa ginawang pagdinig ng Senado nitong Febrero 9, 2026. Makikita ring nagpapaliwanag si DepEd Undersecretary Ronald Mendoza.
JOSEPH MUEGO
Sen. Bam: P67.9B pondo gamitin sa tamang presyo, sa tamang proseso, sa tamang panahon
PINANGUNAHAN ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino ang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education upang talakayin ang tatlong pangunahing paraan ng pagpapatayo ng silid-aralan—sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga local government unit (LGU), at Public-Private Partnerships (PPP).
Binigyang-diin ni Aquino na kailangang gamitin ang pondong ₱67.9 bilyon “sa tamang presyo, sa tamang proseso, at sa tamang panahon.”
Aniya, “Let’s not miss this opportunity. The funding is good and there are new ways for the private sector [to be involved]… Let’s identify these modalities, monitor them, and ensure that the funding for education continues, year on year.”
Tinukoy sa ulat ng EDCOM II ang kakulangan ng 166,000 silid-aralan sa buong bansa, bago pa man tumama ang mga lindol at bagyong sumira pa sa maraming paaralan. Target ng komite na makapagsimula ng 26,000 na bagong silid ngayong taon at umabot sa 25,000 na kabuuan bago matapos ang 2026.
Nagbabala naman si Senador Raffy Tulfo sa mga “problematikong kontratista” na umano’y sangkot sa mga substandard na proyekto. “We must enforce stricter parameters and clearer guidelines to avoid past mistakes—delays, sub-standard construction, and awarding projects to unqualified contractors,” ani Tulfo.
Tinukoy niyang muli ang BF Corporation at Vicente T. Lao Construction na aniya’y may sablay na proyekto sa Gensan na nagkakahalaga ng P657 milyon. Idiniin din niya ang pangangailangan na ma-vet nang husto ang mga kumpanyang gustong makilahok sa PPP.
Suportado ni Tulfo ang panukalang Classroom Acceleration Program Act, habang iginiit ni Aquino na dapat tiyaking ang bawat pisong inilaan sa edukasyon ay tunay na mauwi sa nakatayong silid-aralan.
Ayon sa Senado, ang kabuuang budget para sa edukasyon ngayong 2026 ay nasa ₱1.34 trilyon—pinakamalaki sa kasaysayan—at may partikular na ₱67.9 bilyon para sa pagpapagawa ng classrooms.
