Canadian

Parak-Davao sinagip Canadian na na-love scam

Alfred Dalizon Apr 26, 2025
17 Views

IPINAMALAS ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang tunay na diwa ng public service sa pagtulong sa isang Canadian na nabiktima ng love scam at na-stranded sa Davao International Airport.

Ayon sa report, bandang alas-7:45 ng umaga noong Abril 11, napansing paikot-ikot ang 62-anyos na Canadian citizen sa loob at labas ng passenger airport terminal building at halatang naguguluhan at balisa.

Agad itong ini-report ng ilang empleyado ng paliparan kay Police Executive Master Sergeant Donalyn Doromal ng Davao International Airport Police Station (DIAPS).

Sa kanilang pag-uusap, ibinahagi ng foreigner na bumiyahe siya pa-Davao para makipagkita sa kanyang “girlfriend.”

Subalit, ayon sa kanya, natuklasan niyang biktima siya ng “love scam” o panlilinlang lamang kung saan hinihingan siya ng pera ng babae at nang makuha ito ay hindi na muling nagpakita.

Naubos na ang kanyang pera at wala nang pambili ng ticket pabalik sa Maynila, ayon sa dayuhan.

Sa pamamagitan ng tulong-tulong na inisyatibo ng lahat ng naka-duty na DIAPS personnel, nakalikom sila sa pamamagitan ng pag-aambagan.

Ang nasabing halaga ay ginamit para makabili ng plane ticket para sa Canadian national na kalauna’y nakasakay sa Philippine Airlines flight PR 1806 patungong Maynila.

Lubos ang pasasalamat ng banyaga sa kabaitan ng mga pulis.

Pinuri ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil ang kabutihang-loob na ipinamalas ng mga DIAPS personnel.

Pinagtitibay ng PNP ang kanilang panata sa taos-pusong serbisyo publiko para sa lahat, Pilipino man o banyaga.

“Isa itong patunay na sa panahon ng pangangailangan, andiyan ang kapulisan na handang tumulong nang walang hinihintay na kapalit,” ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Randulf Tuaño.