Calendar

Parak na nagsoli ng bag, nagdala sa ospital pinuri ng PNP
KINILALA ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni General Rommel Francisco Marbil, ang mga pulis sa Baras, Rizal at Rapu-Rapu City sa Cebu dahil sa katapatan sa serbisyo publiko.
Isa sa kinilala si Police Senior Master Sergeant Rene Flohimon ng Baras police na nagsauli ng itim na sling bag na naiwan ng isang dayuhan mula sa Italy.
Ang bag ni Florante Salvatore ay naglalaman ng P89,000, $104, Italian passport at iba pang mahahalagang ID.
Una itong itinurn over sa pamahalaang lokal ng Baras na agad namang nakipag-ugnayan sa istasyon ng pulis para masauli sa tunay na may-ari.
Lubos ang pasasalamat ni Salvatore sa propesyonalismo ng pulis.
Samantala, noong Mayo 27 ay nagtulungan ang mga tauhan ng Rapu-Rapu police at Philippine Coast Guard upang madala sa ospital ang pasyente na nagkaroon ng allergic reaction dahil sa kagat ng bubuyog.
Mula sa pantalan ng Barangay Poblacion, inihatid ang pasyente sa Rapu-Rapu District Hospital para sa kinakailangang lunas.
Pinuri ni Marbil ang mga pulis dahil sa pagganap sa tungkulin at binigyang-diin ang kahalagahan ng mga ganitong gawain sa pagpapalalim ng ugnayan ng kapulisan at komunidad.
“Ang mga simpleng gawa ng kabutihan at tapat na paglilingkod may malalim na epekto sa ating mga kababayan. Bawat isinauling gamit at bawat buhay na maliligtas dagdag na tiwala ng publiko sa PNP. Ito ang tunay na diwa ng Bagong Pilipinas,” ani Marbil.