Parak nag-iimbestiga sa estudyanteng namatay sa parking lot

13 Views

UTAS ang 18-anyos na estudyante matapos mahulog umano sa parking level ng mall sa Quezon City noong Miyerkules ng gabi.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-8:30 ng gabi nadiskubre ang duguang bangkay ng binatilyo sa parking level 7 ng mall sa EDSA sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Nido Gevero Jr., habang naglalakad ang housekeeper supervisor ng mall na si alias Marcelino nakarinig ito ng malakas na kalabog malapit sa parking area.

Inalam niya kung ano ang nahulog pero laking gulat niya nang makitang duguang nakahandusay sa semento ang biktima.

Dahil dito, inireport ni Marcelino sa security guard ng mall ang insidente na agad namang tinawagan ang kanilang mga safety marshalls na sina Roderick at Mudzrina para sa medikal na atensyon.

Isinugod ang biktima sa Veterans Memorial Medical Center subalit idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor.