Calendar

Parak-NE kinayang rumesponde sa loob ng 1 minuto, 42 segundo
CABANATUAN CITY–Nagtala ang Nueva Ecija police ng 1 minuto at 42 segundo na response time sa simulation exercise na naglalayong subukan ang 5-minutong response policy ni PNP chief General Nicolas D. Torre III.
Isinailalim sa random test ang emergency response capabilities ng Cabanatuan City police sa ilalim ni Lt. Col. Renato C. Morales, ayon kay Nueva Ecija cop chief Col. Ferdinand D. Germino.
Aniya, ang drill ay isang simulated emergency sa SM City-Cabanatuan mall premises kung saan ang isang babaeng mall security guard ay makikitang tumawag sa police station para humingi ng tulong.
Sa loob ng 1:42, dumating sa mall ang mga rumespondeng pulis at nakaharap mismo ang babaeng security guard na tumawag ng saklolo.
Sinabi ni Germino na ang random exercise na ito ay nagpakita ng kahandaan ng kanyang mga tauhan sa pagtugon sa mga posibleng scenario kaakibat ang real time pressure.