Calendar
Parak-QC nabawi Xpander na tinangkang nenokin
NABAWI ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang kinarnap na Mitsubishi Xpander matapos matunton sa Marilao, Bulacan noong Setyembre 3 .
Dakong alas-2:00 ng hapon ng mag-report sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) ang may-ari ng pulang 2025 Mitsubishi Xpander.
Ayon sa complainant, ipinagkatiwala niya ang sasakyan sa isang alyas Jef sa kasunduang siya ang magpapatuloy ng paghulog.
Ngunit hindi umano nito tinupad ang napag-usapang bayarin at hindi rin ibinalik ang sasakyan.
Nagkasa ng follow-up ang DACU matapos makatanggap ng impormasyon na nakita ang sasakyan sa Marilao, Bulacan.
Nagsagawa ng surveillance at stakeout ang mga operatiba hanggang sa dumating sa lugar ang sasakyan.
Nilapitan ng mga pulis si alyas Jef at ipinaalam ang reklamo laban sa kaniya.
Agad naman siyang sumama sa pulisya at isinuko ang sasakyan dakong alas-3:30 ng hapon noong araw ding iyon.
Dinala ang sasakyan sa DACU para sa dokumentasyon, beripikasyon at kaukulang disposisyon.
Ayon kay QCPD acting district director P/BGen. Christopher Olazo, paiigtingin nila ang operasyon laban sa carnapping.
