Calendar
Ang itinalagang Obispo na si Samuel Agcaracar ng Diyosesis ng San Jose, Nueva Ecija.
Paring SVD bagong obispo ng San Jose sa Nueva Ecija
ITINALAGA ni Pope Leo XIV noong Biyernes si Fr. Samuel Agcaracar ng kongregasyong Societas Verbi Divini (SVD) bilang bagong obispo ng San Jose de Nueva Ecija.
Nagtatapos ang halos walong buwang paghihintay ng diyosesis para sa isang bagong obispo.
Si Agcaracar, 55, ang papalit kay Bishop Roberto Mallari, na ngayon ay nangangasiwa sa Diyosesis ng Tarlac.
Ang itinalagang obispo ay kasalukuyang rector ng Divine Word Seminary sa Lungsod ng Tagaytay at provincial admonitor ng SVD Philippine Central Province.
Ipinanganak sa isang pamilyang magsasaka sa Claveria, Cagayan, unang nagtrabaho si Agcaracar bilang guro habang naglilingkod bilang katekista sa kanyang parokya ng St. Joseph.
Kalaunan ay pumasok siya sa seminaryo ng Society of the Divine Word at nag-aral ng pilosopiya sa Christ the King Seminary sa Quezon City at teolohiya sa Divine Word School of Theology sa Tagaytay.
Naordinahan noong 2007, una siyang naglingkod bilang high school director sa Divine Word College of Calapan sa Oriental Mindoro.
Nagturo rin siya sa Divine Word Seminary at sa Divine Word Institute of Mission Studies, kapwa sa Tagaytay.
Si Agcaracar ay may doktorado sa missiology mula sa Pontifical Gregorian University sa Roma.
Siya rin ang nagtatag at kasalukuyang executive director ng SVD Laudato Si’ Farm sa Tagaytay.
Ang Nueva Ecija ay may dalawang diyosesis: Cabanatuan at San Jose, na nangangasiwa sa mga parokya sa hilagang bahagi ng lalawigan.
Ang petsa ng kanyang ordinasyon bilang obispo at pagtatalaga bilang ika-limang obispo ng San Jose ay iaanunsyo sa ibang araw. CBCP News

