Kano

AMERIKANONG CHILD SEX PREDATOR SA PINAS KULONG NG 30 TAON SA U.S.

Alfred Dalizon Nov 22, 2025
281 Views

NAGTAPOS sa isang korte sa Estados Unidos ang kaso laban sa 65-anyos na Amerikanong sangkot sa transnational crime na may kinalaman sa pang-aabuso sa mga batang Pilipino, matapos siyang mapatunayang guilty sa kanyang mga kaso at hinatulan ng isang United Sates federal court na makulong ng 30 taon.

Tinawag ni acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na isang malaking tagumpay para sa international justice ang paglalapat ng parusa sa akusado.

Aniya, patunay ito ng matatag na kooperasyon ng PNP sa mga katuwang nitong ahensiya sa ibang bansa tulad ng US Federal Bureau of Investigation (FBI).

Nagkaroon ng mahalagang papel ang PNP sa pagkakasentensiya sa naturang Amerikano, na hinatulan ng 30 taong pagkakabilanggo ng isang federal court sa Aubrey, Texas, para sa mga kasong child exploitation na ginawa niya habang nasa Pilipinas ang mga biktima.

Isa ito sa pinakamalinaw na halimbawa ng epektibong pagtutulungan ng PNP at FBI, ayon sa Pambansang Pulisya.

Kinumpirma ng US authorities na ang 65-anyos na suspek ay nakipag-ugnayan sa mga babaeng nasa hustong gulang sa Pilipinas gamit ang isang online platform at binayaran sila upang gumawa ng mga ilegal na materyal na sangkot ang mga menor de-edad na pinaghuhubad at inuutusang gumawa ng mga malalaswang bagay sa harap ng videocam.

Base sa rekord, nagpadala siya ng mahigit US$8,000 mula 2015 hanggang 2021 sa pamamagitan ng iisang remittance service para sa mga indibidwal na tumulong sa pang-aabuso.

Ipinadala ang mga ilegal na video at larawan sa pamamagitan ng direct messaging at live-streaming.

Nagsimula ang pag-usad ng kaso sa proactive na imbestigasyon ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) ng Women and Children Protection Center–Mindanao Field Unit (WCPC-MFU).

Noong Setyembre 27, 2023, nagsilbi ng warrant to search, seize and examine computer data (WSSECD) ang mga operatiba sa Ozamiz City, Misamis Occidental, kung saan nakuha ang mahahalagang Child Sexual Abuse and Exploitation Materials (CSAEM) mula sa cellphone ng dalawang lokal na suspek.

Naaresto rin ang dalawang facilitator at nailigtas ang dalawang menor de-edad ― mga ebidensiyang nag-ugnay sa dayuhang suspek sa mga krimeng naganap sa Pilipinas.

Ipinapakita ng kasong ito kung gaano ka-organisado at kasopistikado ang mga OSAEC network na kumikilos sa iba’t ibang bansa at umaasa sa digital anonymity.

Dahil sa maayos na palitan ng impormasyon at sabayang imbestigasyon ng PNP at FBI, parehong napanagot ang suspek sa US at ang mga kasabwat dito sa Pilipinas, ayon kay Nartatez.

Sa ilalim ng PNP Focused Agenda ― na layong gawing mas epektibo at angkop sa makabagong panahon ang serbisyo-pulisya ― patuloy na pinapalakas ng PNP ang operasyon, digital forensics at international coordination, dagdag niya.

Malaki rito ang naging papel ng Enhanced Managing Police Operations na tumulong sa matagumpay na pagsasara sa kasong ito, saad pa niya.

“Pinatutunayan ng naging hatol sa Estados Unidos na ang mga umaabuso sa mga batang Pilipino ay tiyak na mananagot sa batas, saan man sila naroroon. Ang patuloy na kooperasyon ng PNP at FBI ay malinaw na pagpapakita ng aming matatag na paninindigan na protektahan ang mga bata at buwagin ang mga grupong nagsasamantala sa kanila. Magpapatuloy ang PNP sa mas pinaigting na aksyon hanggang masiguro na ligtas ang bawat bata mula sa online exploitation,” sinabi ni Nartatez.

Samantala, binigyang diin ni Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, tagapagsalita ng PNP, na mananatiling matatag ang PNP sa pagpapalakas ng information-sharing at investigative partnerships nito kasama ang mga international counterpart.

“Ipinapakita ng resulta ng kasong ito na mas nagiging matibay ang paglaban sa online exploitation kapag malinaw at tuloy-tuloy ang ugnayan ng mga bansa. Ang patuloy naming koordinasyon sa FBI ang nagtiyak na nagamit nang wasto at epektibo ang ebidensiyang nagmula sa Pilipinas. Patuloy na palalawakin ng PNP ang mga mekanismong nagbibigay-proteksiyon sa mga bata laban sa banta sa digital space,” aniya.