Calendar
Partisipasyon ng mamamayan sa paggawa ng mga batas muling isinulong ni Rep. “Bro. Eddie” sa Kamara
BILANG paggunita sa ika-40 taong anibersaryo ng 1986 People Power Revolution, muling isinulong ni Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) Party List Rep. Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva ang panukalang batas nito para magkaroon ng partisipasyon ang mamamayan sa pagbabalangkas ng mga batas.
Nakapaloob sa House Bill No. 7147 o ang panukalang “Crowd Sourcing Act” na isinulong ni Bro. Eddie sa Kamara de Representantes ay naglalayong magkaroon ng mekanismo sa pamamagitan ng internet at mga mobile application ang mamamayan.
Sinabi ng kongresista, founder ng Jesus Is Lord (JIL) movement, na layunin ng ganitong mekanismo na magkaroon ng direktang partisipasyon at pagmumungkahi ang mamamayang Pilipino sa paggawa ng mga panukalang batas.
Ikinatuwiran ni Villanueva na mahalagang magkaroon ng partisipasyon at kontribusyon ang mamamayan sa pagbabalangkas ng mga makabuluhang panukalang batas upang maibigay din nila ang kanilang ideya sa larangan ng lehislatibo.
Pagbibigay diin ni Bro. Eddie na mawawalan ng katuturan ang diwa ng “People Power” kung hindi aktuwal na makikilahok ang mamamayang Pilipino sa pamamahala.
Nakapaloob sa panukalang batas ni Villanueva na bubuksan ng Kamara de Representantes at Senado ang kanilang proseso ng paggawa ng batas batay sa magiging mungkahi ng publiko sa pamamagitan ng mga opisyal na online portal.
Maaaring isa-alang-alang ng Komite sa Kongreso at Senado ang mga isusumiteng suhestiyon ng mamamayan sa gagawin nilang deliberasyon at maglalabas naman ng ulat ng tugon bilang pagkilala sa partisipasyon ng publiko.

