Calendar
Partner ng DMW sa pagsulong sa kapakanan ng OFW pinarangalan
PINARANGALAN ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga mahahalagang international partners nito para sa kanilang walang sawang suporta sa pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawang Pilipino.
Isinagawa ang pagbibigay parangal sa pagtitipon na kaganapang pinamagatang “Collaborative Pathways: Advancing International Partnerships for OFWs” nitong Disyembre 3, 2024, sa Susan V. Ople Building sa Makati City.
Inihayag ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga mahahalagang kasosyong ito, na may malaking ambag sa pagpapabuti ng buhay ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.
“We are truly grateful for the ongoing support of our international partners in advancing the rights and well-being of Filipino migrant workers,” pahayag ni Secretary Cacdac.
“Together, we are driving meaningful change, ensuring that our overseas workers are supported and empowered in their host countries,” dagdag ni Cacdac.
Ibinahagi rin ni Cacdac na iniatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DMW, sa kanyang unang State of the Nation Address, na palakasin ang labor diplomacy sa parehong bilateral at multilateral na aspeto.
Binigyang-diin niya ang sama-samang responsibilidad ng Pilipinas at mga bansang host upang matiyak ang ligtas at etikal na proseso ng recruitment, gayundin ang patas at makataong kondisyon sa trabaho para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Kabilang sa mga pinarangalan na kasosyo ay ang Japan, Qatar, South Korea, Singapore, Canada, Germany, Austria, Croatia, Czech Republic, Romania, IOM, ILO, World Bank, UNHCR, Philippine Migration Research Network, Professor Racel Parrenas, Asst. Prof. Maria Cecilla Hwang, at Assoc. Prof. Sharon Quinsaat.
Ang seremonya ng parangal ay nagbigay-diin sa pagsisikap ng DMW na palakasin ang mga internasyonal na pakikipagtulungan upang matiyak ang ligtas at etikal na migrasyon para sa mga OFW, na may mahalagang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas at sa pandaigdigang lakas-paggawa.
Dinaluhan ito ng mga pangunahing opisyal ng gobyerno, miyembro ng diplomatic corps, mga lider ng OFW, mga tagapagtaguyod, mga lider ng industriya mula sa land-based at sea-based na sektor, gayundin ang mga opisyal at kawani ng DMW.