Calendar
Pasabog sa “paper trail”: SALN, rekord ng AMLC magiging sentro ng pagdinig sa Abril 22
SINABI ni House Committee on Public Accounts Chairperson Terry L. Ridon nitong Martes na ang susunod na pagdinig sa impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte ngayong Miyerkules ay magiging mas mabigat, dahil nakatakdang umasa ang House Committee on Justice sa mga dokumentong pinansyal, rekord ng buwis, at mga transaksiyon sa bangko sa pagtukoy ng probable cause kaugnay ng mga paratang ng ill-gotten at hindi maipaliwanag na yaman.
“Mas mabigat ang susunod na pagdinig sa impeachment ng pangalawang pangulo dahil wala nang star witness na pag-uusapan. Hindi na mga personalidad ang sentro ng usapan—mga dokumento na mismo ang magsasalita,” ani Ridon.
Inaasahang dadalo sa pagdinig sa Abril 22 ang mga opisyal mula sa Office of the Ombudsman, Securities and Exchange Commission (SEC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang magbigay sa Justice Committee ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte, kanyang income tax returns, mga rekord ng korporasyon ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, at mga ulat hinggil sa anumang kahina-hinalang transaksiyon sa bangko na may kinalaman sa mga account ng mag-asawa.
Ayon kay Ridon, ang mga dokumentong isusumite ng mga ahensiyang ito ay magbibigay-daan sa mga mambabatas na masuri nang independiyente kung may malaking pagkakaiba sa yaman ng bise presidente kumpara sa ₱88.5 milyong net worth na idineklara sa kanyang 2024 SALN.
“Kung may malaking pagkakaiba mula sa ₱88 million base sa ITR, bank records, at financial statements ng SEC, may problema na ‘yun. Kailangang magtugma ang idineklara niyang halaga ng kanyang kayamanan sa SALN at sa records ng BIR at SEC,” ani Ridon.
