Fake

Pasahero mula Bangkok di pinapasok sa PH dahil sa pekeng papeles

Jun I Legaspi May 21, 2024
131 Views

NAPIGIL ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang pasaherong bumibiyahe mula Bangkok, Thailand na makapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Mayo 17 gamit ang mga pekeng dokumento.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement (I-PROBES) ng BI, dumating sa bansa si Wang Weiqiang, 32, sakay ng Philippine Airlines at sinubukang ma-clear sa immigration counter gamit ang pekeng Mauritius passport at identification card.

Pero ayon sa talaan ng BI, dati nang bumiyahe si Wang sa Pilipinas gamit ang Chinese passport.

Inamin niya sa interogasyon na nakuha niya ang dokumento pagkatapos mamuhunan ng $200,000 pero inamin na hindi kailanman naglakbay sa Mauritius.

Sa halip, natanggap ang passport at identity card habang siya’y nasa Thailand.

Sa isang verification na ginawa ng forensic documents laboratory ng BI, lumabas na talagang peke ang mga dokumentong ipinakita ng banyaga.

Dahil sa pamemeke ng travel documents, kasama na sa blacklist ng BI ang banyaga.

Iniutos ni BI Commissioner Norman Tansingco ang agarang pagbubukod ni Wang sa Pilipinas. “Ang prosesong ito paalala sa mga patuloy na hamon na kinakaharap natin sa paglaban sa iligal na imigrasyon at human trafficking.

Ang ating mga opisyal ng imigrasyon nananatiling mapagbantay upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating mga hangganan,” ani Tansingco.