Calendar
Pasay bgy Hall pangalawang beses nang niratrat ng bala
NIRATRAT ng bala ng isang gunman ang isang barangay hall noong Huwebes sa Pasay City, ayon kay Pasay Police chief P/Col. Joselito De Sesto.
Nangyari ang pamamaril dakong alas-2:40 ng madaling araw sa barangay hall ng Brgy. 190 sa BAC 1-11, Don Carlos St. habang nasa loob ang tatlong barangay tanod.
Wala namang tinamaan sa mga tanod na nagsidapa ng marinig ang mga putok ng baril na tumagos pa ang bala hanggang sa loob ng kanilang barangay.
May hinala si P/Maj. Allan Valdez, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay police, na posibleng pananakot o babala lamang ito sa chairman ng barangay.
Inihayag naman ni Chairman Ricardo “Gringo” Pichay Jr. ng Brgy. 190 na nangyari na rin ang pamamaril sa kanilang barangay may ilang taon na ang nakalilipas noong nakaupo pang kabesa ang kanyang ina na si Alma Pichay.
Gayunman may “person of interest” na ang pulisya na posibleng may kinalaman sa pamamaril na una ng nagpahayag umano ng galit sa mga opisyal ng barangay nang sitahin siya dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar.

