Calendar
Pasig pulis inaresto dating aktor sa pagpatay ng kaibigan
NAARESTO ng Pasig Police ang dating aktor na si John Wayne Sace matapos umano nitong barilin at patayin ang matagal nang kaibigang si Lynnel Eugenio dahil sa matinding alitan sa Brgy. Sagad, Pasig City.
Ayon sa ulat, nabaril ni Sace, 37, ang biktima na nagtamo ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan dakong 7:30 a.m. Iniwan umano ni Sace si Eugenio na nakahandusay sa kalsada matapos ang pamamaril, at agad na tumakas.
Natunton at naaresto ang suspek sa isang hotel sa Pasig City din. Ayon kay PCol. Hendrix Mangaldan, hepe ng Pasig Police, bago ang pag-aresto ay nag-post si Sace ng ‘cryptic message’ sa social media tungkol sa biktima, na may larawan ng kanyang lokasyon.
Isinailalim si Sace sa paraffin test sa Eastern Police District.
Batay sa rekord ng pulisya, nasangkot na si Sace sa isang insidente ng pamamaril noong 2016, kung saan siya rin ay nasugatan. Kasama rin siya sa drug watchlist ng Pasig City police dahil sa umano’y kaugnayan niya sa paggamit ng ilegal na droga.
Si Sace ay nakilala sa mga palabas na Wansapanataym, May Bukas Pa, Guns and Roses, at Forevermore. Noong 2002, nanalo rin siya bilang Best Child Performer sa Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Dekada ’70.