PCAP

Pasig, San Juan magtutuos sa PCAP North finals

Ed Andaya Dec 7, 2023
195 Views

MULING magtutuos ang defending champion Pasig Pirates at San Juan Predators para sa kampeonato ng Northern Conference sa 2023 PCAP-GM Wesley So Cup chess team championships.

Pinayuko ng Pasig ang Laguna Heroes, 12-9 at 14-7, habang itinumba ng San Juan ang Cavite Spartans, 11-10 at 13.5-7.5, sa magka-hiwalay na sagupaan sa semis upang itakda ang kanilang titular showdown sa North sa ikatlong sunod na pagkakataon.

Nagbida si IM Eric Labog matapos walisin si Kimuel Aaron Lorenzo sa kanilang apat na laro — dalawa sa blitz at dalawa sa rapid — at tiyakin ang panalo ng Pirates nina Pasig City Mayor Vico Sotto at coach Franco Camillo.

Pakitang gilas din para sa PasIg sina IM Cris Ramayrat at Kevin Arquero matapos nilang durugin sina Rodel Jose Juadinez, 3-0, and Dino Ballecer, 3-0.

Nauwi naman sa tabla ang sagupaan nina GM Mark Paragua ng Pasig at GM Rogelio Barcenilla, Jr. ng Laguna.

Naungusan naman ni Rowelyn Joy Acedo ng Pasig si Shania Mae Mendoza ng Laguna, 1.5-.5, sa female board.

Kapanapanabik din ang naging sagipaan ng San Juan at Cavite.

Ipinoste nina IM Paulo Bersamina at Narquinden Reyes ang mga krusyal na panalo para sa San Juan sa kanilang two-set showdown laban sa Cavite.

Tinalo ni Bersamina sina Jayson Visca sa blitz at Carlo Magno Rosaupan sa rapid habang itinumba ni Reyes si Alexis Maribao sa kanilang enkuwentro para ibigay ang six points sa Predators nina PCAP Chairman Michael Angelo Chua at coach Hubert Estrella.

Wagi din sina IM Jan Emmanuel Garcia at WIM Jan Jodilyn Fronda para sa San Juan sa second match kontra Cavite,
Tanging si GM Rogelio Antonio, Jr. ang nagpasiklab para sa Cavite matapos gibain si GM Victor Moskalenko sa kanilang apat na laro, 6-0, sa senior board.

Lusot naman si GM Aleksey Sorokin laban kay Garcia at San Diego kontra Fronda para sa Spartans.

Sa South, pinisak ng Toledo Trojans ang Davao Stallions, 15.5-5.5 at 11.5-9.5, habang iginupo ng Iloilo Kisela Knights ang Surigao Fianchetto Checkmates, 4-17 at 11-10 at 2-1 sa Armageddon upang itakda ang kanilang title showdown.

Nanguna sa Toledo sina IM Richard Bitoon, na nanayani laban kay Sander Severino, 2-1, David Elorta, na nanaig laban kay IM Jonathan Tan, 2-1; at Cherry Ann Mejia, na nakaungos kay Karen Enriquez, 2-1.

Panalo din si IM Kim Steven Yap laban kina Henry Lopez at Irwin Aton.

Ang PCAP, ang tangingplay-for-pay league sa bansa, ay pinanumunuan nina President-Commissioner Atty. Paul Elauria, at Chairman Michael Angelo Chua.

Sponsors ang San Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx.