Caloocan Source: Mahor Along Malapitan FB

Pasok sa paaralan, trabaho balik na sa normal

Edd Reyes Oct 16, 2025
355 Views

BALIK na sa normal ang pasok sa paaralan at trabaho sa gobyerno sa Caloocan City makaraang ideklara ng mga pulis na “cleared” na ang mga lugar mula sa bomb threat na kumalat noong Miyerkules.

Sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth na ininspeksyong mabuti ng police bomb squad ang mga paaralan at buong city hall premises na nakatanggap ng bomb threat.

Nauna ng nagbigay ng instructions sa mga pulis si Mayor Along Malapitan na galugarin ang lahat ng paaralang nakatanggap ng bomb threat kahit pa abutin ng madaling araw upang matiyak na ligtas sa panganib ang mga guro at mag-aaral pati mga kawani ng city hall.

Nanawagan ang alkalde na huwag gawing biro ang mga ganitong pagbabanta dahil may parusa sa sinumang mapapatunayang gumagawa nito.

Iniimbestigahan pa rin ng mga pulis kung sino ang mga nasa likod ng bomb threats at tiniyak na papananagutin ang mga ito sa batas.