Robin

Pasyente panalo sa murang gamot, gobyerno wagi sa tax sa Medical MJ Bill ni Padilla

153 Views

MALAKING panalo sa pasyenteng Pilipino sa pamamagitan ng murang gamot – at pati na rin sa pamahalaan sa pamamagitan ng karampatang buwis – kung maging batas ang panukala ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para gawing legal ang medical marijuana.

Iginiit ito ni Dr. Donnabel Cunanan, tagapagsalita ng Philippine Cannabis Compassion Society, sa kanyang pagsuporta sa agarang pagpasa sa Senate Bill 230 ni Padilla.

“Gusto namin ito ay locally ma-produce na natin sa ating bansa, para eventually that’s the only way na maging affordable sa ating mamamayan,” ani Cunanan sa panayam sa DZRJ nitong Miyerkules.

“On behalf of PCCS, muli ang aming pasasalamat sa ating baguhang senador na si Sen. Robin Padilla sa kanyang initiative at tapang at boldness na ihain ang Senate bill na ito. Maraming salamat mula sa pasyente,” dagdag niya.

Ang PCCS na itinatag noong 2013 ay may 70,000 hanggang 80,000 miyembro. Isinusulong nito ang paggamit ng “safe and available” na medical marijuana sa Pilipinas.

Ipinunto ni Cunanan na malaking tulong ang medical marijuana para sa pain management ng cancer patients; at pati na rin sa mga nagdurusa sa insomnia at epilepsy at iba pang “debilitating medical condition.”

Dagdag niya, ang medical marijuana ay hindi synthetic drug na may maraming side effects. Binanggit niya ang kaso ng anak niya na may pancreatitis bilang side effect ng matinding synthetic drugs.

Samantala, ipinunto ni Dr. Gem Marq Mutia, founder ng Philippine Society of Cannabinoid Medicine, na panalo rin ang ating gobyerno sa pamamagitan ng karampatang buwis kung sa Pilipinas gagawin ang produktong galing sa medical marijuana – at pwedeng gamitin ito para sa karagdagang pag-research sa medical cannabis.

“Ang kagandahan, imbes na mapunta sa ibang bansa ang kita, mapupunta sa tax ng gobyerno. Pwedeng gamitin bilang pag-aral at pag-research lalo sa medical cannabis,” aniya.

Isinulong ni Padilla sa kanyang Senate Bill 230 na payagan sa Pilipinas ang paggamit ng medical marijuana o cannabis at sa mas malawak na pananaliksik dito bilang gamot.

Nguni’t iginiit din ni Padilla na dapat magkaroon ng parusa sa pag-abuso ng marijuana. May mga safeguards ang panukalang batas para tiyaking hindi maaabuso ang marijuana.