Calendar
Patakaran para protektahan baybaying dagat hihigpitan
NANGUNA si Vice Mayor Chi Atienza sa daan-daang volunteers at mga opisyal na lumahok sa paglilinis ng baybayaing dagat na bahagi ng pagdiriwang ng ika-40 International Coastal Cleanup sa Baseco Beach.
Sa kanyang mensahe, muling pinagtibay ni Atienza ang dedikasyon para maging responsable sa kapaligiran, kasabay ng kanyang paglalahad ng planong ipatupad ang mahigpit na patakaran laban sa polusyon sa dagat.
“Kung makikita niyo ‘yung mga basura na nandito, maaari namang maiwasan. Kaya we need proper policies na mas stricter; makakatulong tayo sa ating environment,” sabi ni Atienza.
Ayon sa bise alkalde, bagama’t ang kasalukuyang kalagayan ngayon ng mga baybayin ay lubhang nakakabigla, ang sama-sama aniyang pagsisikap ay maaaring lumikha ng isang paraan ng pasulong.
“Ang importante, mapangalagaan natin itong katubigan natin ngayon. Hindi man kaakit-akit ang nakikita natin ngayon, but it takes one tiny seed of hope at magtulungan tayo with the national government along with our city government, and I believe one day, makaka-survive tayo,” pahayag niya.
“Kaya asahan niyo na in this administration, we will make stricter policies to ensure na hindi maabala ang mga katubigan natin,” dagdag pa ni Atienza.
Hinimok din ni Atienza ang lahat ng kalahok na maging tagapagtaguyod para sa kapaligiran habambuhay at tumulong sa pagsusumbong sa mga taong ilegal na pagtatapon ng basura, lumahok sa pampublikong konsultasyon, at tangkilikin ang mga batas na naglalayong protekhan ang daluyan ng tubig.
Binigyang-diin niya na ang malinis na Maynila ang hahantong sa mas malinis na komunidad na ang makikinabang ay mga maralitang taga-lungsod na bantad sa panganib ng pagbaha at polusyon.

