Basketball

Patayan sa basketbolan

522 Views

DEAD on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin habang nanonood ng basketball sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang nasawing biktima na si alias ‘’Inggo’’, residente ng Caloocan City, habang nakatakas naman ang suspek na si alias “Ahmad Arajil, ng Chalefto St., Champaca St., Brgy. Pasong Putik, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas- 2:50 ng madaling araw (November 14), nang maganap ang insidente sa covered court sa Champaca St., Brgy. Pasong Putik Proper, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Nestor V Ariz Jr., habang nanonood ng basketball ng biktima ay dumating ang suspek sakay ng motorsiklo.

Ilang sandali pa, biglang bumunot ng baril ang suspek at binaril ang biktima ng ilang beses na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.

Mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi malamang destinasyon, dala ang ginamit na armas.

Dumating ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/Maj. Michael Jabel at nasamsam ang 5 fired cartridge case at mga basyo ng bala.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.