Sunog Source: FB post

Tulog na batang lalaki, 7, patay sa sunog sa QC

558 Views

NASAWI sa sunog ang 7-anyos na batang lalaki matapos na makalimutan umano ng kaniyang lola na sagipin sa nasusunog nilang bahay sa Quezon City nitong Huwebes ng hapon..

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:30 ng hapon nitong Huwebes (November 13), nang magsimula ang sunog sa kanto ng Betsayda Alley at Banahaw Sts., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Camilo Ross J Cunanan, nalaman na lamang umano ng lola na na nasusunog ang ikalawang palapag ng kanilang bahay nang marinig ang sigaw ng mga kapitbahay.

Dahil sa kalituhan, tumakbo siya palabas ng bahay at nang nakalabas na siya ay biglang naalala niya na naiwan pala ang kanyang apo na natutulog sa loob ng silid.

Agad umanong tumakbo pabalik sa nasusunog nilang bahay ang lola para iligtas ang apo subalit mabilis na nilamon na ng apoy ang bahagi ng bahay at gumuho.

Samantala, rumesponde naman sa lugar ang Quezon City Fire District (QCFD) sa pangunguna ni F/Insp. Lorenzo Diaz at naapula ang apoy bandang 6:33 ng gabi.

Sa ocular inspection, natagpuan ang sunog na bangkay ng bata sa ilalim ng mga nasunog na kahoy.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.