ASF

QC ipinasara 14 na lechonan dahil sa ASF

Cory Martinez Nov 13, 2025
367 Views

IPINASARA ng Quezon City government ang 14 na lechonan sa La Loma matapos matuklasan na may mga baboy na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) na kanilang binebenta.

Naglabas ng Temporary Closure Order laban sa mga naturang establisiyemento ang QC Business Permits and Licensing Department (BPLD) noong Miyerkules alinsunod sa rekomendasyon ng Bureau of Animal Industry (BAI), QC Veterinary Department at City Health Department (CHD).

Natuklasan ang impeksiyon matapos ang pagsusuri sa mga lechon establishment sa La Loma sa pakikipagtulungan ng BAI bilang bahagi ng regular na inspeksyon ng lokal na pamahalaan at pagtataguyod ng kapakanan ng publiko lalo na ngayong Kapaskuhan.

Agad namang inirekomenda ang pagsasa-ilalim sa culling ang mga baboy upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Tinitiyak ng pamahalaang lungsod na nananatiling isolated ang ASF sa lugar at walang banta ng ASF sa iba pang pamilihan sa lungsod. Hindi naipapasa sa tao ang ASF virus.

Nagsimula na ang proseso ng disinfection sa mga apektadong lugar sa La Loma. Nagtalaga din ng checkpoints ang lokal na pamahalaan upang kontrolin ang paggalaw ng mga baboy mula at papasok sa La Loma.

Tinutulungan na ng lokal na pamahalaan ang mga negosyante para matiyak na susunod sa health and safety protocols ang mga lechonan nang muli silang makapag-alok ng de-kalidad na pagkain sa publiko.