Tolentino2 Ang mga Miss ROTC winners kasama si Sen. Francis Tolentino.

PATTS student napiling Ms. ROTC Luzon

Robert Andaya Jul 30, 2024
120 Views

TAGAYTAY City — Napili si Radha Marie Cabug ng PATTS College of Aeronautics bilang “Miss ROTC Luzon Games 2024″ sa makulay na seremonyang ginanap sa Tagaytay Combat Sports Center kamakailan.

Si Cabug ay third year BS Aircraft Maintenance Technology student sa PATTS.

Punangalawa si Althessa Patetico ng De La Salle University-Manila, habang pumangatlo si Jeraline Acosta ng Ilocos Sur Polytechnic State College

Si Patetico ay first year BS Accountancy and Applied Economics student sa La Salle, habang si Acosta ay first year BS Criminology student sa ISPSC.

Samantala, pinuri ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang lahat ng naging kalahok.

“The Miss ROTC search highlights not just the beauty and talent of the candidates, but also their military training skills and discipline,” pahayag ni Sen.Tolentino, na itinuturing ding “Father of the ROTC Games.”

“Through the Miss ROTC search and the ROTC Games, we are able to showcase another aspect of the ROTC program, which is empowerment and recognition of our youth,” dagdag pa ni Sen. Tolentino, na siyang principal author ng Senate Bill No. 2034, na mas lalong kilala sa Mandatory ROTC bill.

Ang nasabing Search for the Ms. ROTC Luzon 2024 pageant ay bahagi ng Luzon regional qualifying leg ng Philippine ROTC Games, na nakatakda mula July 28 hanggang August 2 sa Cavite State University sa Indang, Cavite at mga kalapit na lugar

Kabilang sa mga dumalo sina Senator Robin Padilla, Commissioner Fritz Gaston ng Philippine Sports Commission (PSC), Cavite State University President Dr. Hernando Robles, Department of National Defense (DND) Assistant Secretary Henry Robinson Jr.; at mga kinatawan mula Armed Forces of the Philippines, Commission on Higher Education, at Tagaytay City government.

Ngayong taon, kabuuang 2,820 cadet- participants mula iba’t ibang colleges at universities ang lalahok sa 14 sports.

Ang mga ito ay ang arnis, athletics, basketball, boxing, chess, e-sports, kickboxing, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, target shooting, volleyball, at raiders competition.

Ang listahan ng mga kalahok para sa Luzon ay mas madami kumpara sa 1, 703 entries sa Visayas leg na ginanap sa Bacolod City at 1,650 sa Mindanao leg sa Zamboanga City.