ROTC

ROTC Games Luzon magbubukas ngayon

57 Views

INDANG, Cavite — Pormal na bubuksan ngayong umaga ang Luzon Qualifying Leg ng 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games dito sa Cavite State University (CvSU).

Si Sen. Francis Tolentino, na sitang may konsepto ng ROTC Games para sa mga school cadets, ang magde-deklara ng opisyal na pagbubukas ng event.

Magbibigay ng welcome remarks si CvSU president Hernando D. Robles, habang may inspirational message sina Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino at Senate President Francis Escudero.
Sa alas-6:30 ng umaga ay paparada ang mga kadete ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force kasunod ang silent drill, cultural dance at aircraft fly-by sa event na suportado ng Department of National Defense, Commissioner on Higher Education, at Philippine Sports Commission.

Si marathon champion Cpl. Richard Solano ang bahala sa lighting of cauldron at super featherweight titlist PFC Charly Suarez ang mamumuno sa oath of sportsmanship.

Mula sa pitong events sa 1st ROTC Games noong 2023 ay lumobo sa 14 sports disciplines ang inilatag para sa mga school cadets ng Army,Navy at Air Force ngayong taon.

Ang mga ito ay ang arnis, athletics, 3×3 basketball, boxing, chess, e-sports, kickboxing, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, target shooting, volleyball at raiders competition.

Idaraos sa CvSu Indang Campus ang arnis, athletics, chess, table tennis, volleyball at raiders competition.

Ang boxing at kickboxing ay gagawin sa Tagaytay Combat Sports Center, habang ang sepak takraw ay sa Sigtuna Hall at ang 3×3 basketball ay sa Robinsons Tagaytay Basketball Court at City College of Tagaytay.

Isasagawa ang swimming sa De La Salle University-Dasmariñas; angtarget shooting ay sa Camp Riego de Dios sa Tanza; at ang taekwondo ay sa Tolentino Sports Complex and Activity Center sa Tanza.

Nauna nang naidaos ang ROTC Games Visayas Leg sa Bacolod City noong Mayo 26-Hunyo 1 at ang Mindanao Leg sa Zamboanga City noong Hunyo 23-29.

Ang National Championship ay nakatakda sa Agosto 18 hanggang 24 sa Indang, Cavite.