Calendar
Philippine soft tennis team.
Zoleta, inabot ng 17 taon bago ang gold sa Asian Championships
NAGTAPOS sa isang memorable ending ang Asian Soft Tennis Championships journey ng top Pinay soft tennis player na si Bien Zoleta sa pamamagitan ng gold medal finish sa inaugural mixed team event ng Asian Soft Tennis Championships na naganap sa Munyeong, Korea kamakailan.
Nag-contribute ang nakatatandang Zoleta sa panalo ng mixed team katuwang sina Joseph Arcilla, Samuel Nuguit, Patrick Mendoza, Princess Catindig at Christy Sañosa kontra China, 2-0 upang mapasakamay ang panalo.
Ito rin ay nagdala para sa koponan tungo sa pagkaka-qualify nito sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan sa susunod na taon.
“Yung Asian Championships, nagkaroon ng first event na na-include ang mixed team. Before, seven events lang pero we have the mixed team kaya eight medals at stake. Masayana kami ang unang nag-gold sa event at ganun siya kahistoric kasi apat ulit pa ang hihintayin bago maidepensa ang titulo,” sinabi ni Bien sa online interview.
Inabot ng 17 taon si Bien simula 2008 upang marating ang dream gold medal finish na inaasam niya kasunod ng silver at bronze medal finishes sa mga nagdaang edisyon ng Asian Championships.
“The last time that our team reached the finals was in 2012 with Jomar Arcilla. Ngayon, 2025 nakatapak kami ng finals, and this time naka-gold kami. Masaya ako na team event pa rin nakuha, di lang ako magisa pero marami kami ngayon para ma-experience kung ano ang feeling na makakatapak sa podium,” dagdag niya.
Nagpapasalamat din si Zoleta sa Philippine Sports Commission at sa Sunchang Soft Tennis Association sa pribilehiyo na makapagsanay sa Sunchang bago ang Asian Championships.
“Sobrang thankful kami sa PSC at Sunchang Soft Tennis na pinayagan kami ng training camp sa Korea kasi yan ang pinaka-polishing ang team dahil malapit na ang Asian Champs, kailangan ng intense training at in-invite rin kami ng Sunchang na dun ulit kami nag-training yearly,” hirit pa niya.
Ito ang huling competition ngayong taon ng Philippine Soft Tennis Team at ang priority ngayon na tutukan ay ang Asian Games at iba pang malalaking tournaments sa taong 2026.
“Parang nakita namin kung paano ma-mix ang ingredients ng team (before Asian Games).o makapagproduce ng result. Kailangan talaga namin ang off-court training, like psych sessions, strength and conditioning, nutrition, massage and physical theraphy na pwede nating bigyang pansin at ibalanse with the court training.” By Gab Ferreras

