Senado Ang mga miyembro ng Alas Pilipinas kasama ang mga senador.

Senado, pinagtibay ang resolusyon ni Cayetano para sa Alas Pilipinas

328 Views

OPISYAL na pinagtibay ng Senado nitong Miyerkules ang resolusyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na nagbibigay-pugay sa men’s national volleyball team na Alas Pilipinas matapos makuha ang makasaysayang 19th place finish sa 2025 FIVB Men’s World Championship.

Nitong October 1, inihain ni Cayetano ang Senate Resolution No. 143 at sinabing ang tagumpay ng koponan ay naghatid ng karangalan sa bansa at patunay na kayang makipagsabayan ng mga Pilipinong atleta kung mabigyan ng tamang oportunidad.

“Sports brings Filipinos together. This team not only made us proud during the SEA Games, but they also made sure they will pleasantly surprise us,” wika ni Cayetano sa kanyang sponsorship speech.

Binigyang diin din ng senador na ang sports ay isang “God-given activity” na hindi lang nagtataguyod ng kalusugan kundi nakapagbubuklod din ng bansa kahit pa may pulitikal na pagkakaiba, at nag-aangat ng imahe ng Pilipinas sa mundo sa pamamagitan ng international success.

Ayon sa resolusyon, mas naging makabuluhan ang panalo ng Alas Pilipinas dahil ang sariling bansa ang nagsilbing sole host ng torneo.

Partikular ding binanggit ang standout players na sina team captain Bryan Bagunas, na nagtapos bilang ikatlo sa top scorers ng buong kompetisyon, at si Marck Espejo na pumang-apat sa receivers. Giit ni Cayetano, malinaw na ipinakita ng kanilang performance ang tapang at talento ng mga Pinoy sa world stage.

Pinuri rin ng senador ang coaching staff na pinamumunuan ni Angiolino Frigoni at ang mga reporma ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara, na nagbukas ng mas maraming oportunidad sa mga international tournaments at nagpahusay ng training programs ng mga manlalaro.

Bukod dito, binigyang diin ni Cayetano — na siya ring Co-chair ng Local Organizing Committee at Chairman Emeritus ng PNVF — na ang pagkilala sa Alas Pilipinas ay hakbang para matuloy ang pangmatagalang sports development sa bansa.

“Honoring Filipino athletes serves a public purpose because their achievements inspire national pride, set standards for sports programs, and justify sustained investment in facilities, training, and athlete support nationwide,” wika niya.

Dagdag pa niya, ang tagumpay na ito ang naglatag ng entablado para sa mas malaking laban: ang hosting ng FIVB Women’s Volleyball Championship sa 2029, kung saan mas handa at mas kumpiyansa na ang Pilipinas.

“Because of their performance and because of the successful hosting, two years from now, iyon namang Women’s Volleyball Championship will be held in the Philippines and this time around we have much more time to prepare,” wika niya.