Calendar
Tulfo sa Senado: Isantabi ang pulitika, unahin ang presyo, kahirapan
NANAWAGAN si Sen. Erwin Tulfo sa mga kasamahan niya sa Senado na isantabi ang pulitika at tutukan ang gutom, kahirapan, access sa serbisyong pangkalusugan at pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.
Pare-pareho ang nararanasang problemang pang-ekonomiya ng mga Pilipino anuman ang kanilang kinakampihang grupo.
“Walang pinipiling kulay ang gutom, ang mahal na pagpapagamot, at ang kahirapan,” sabi ni Tulfo.
Dapat ibalik ng Senado ang pansin sa trabahong pambatas at huwag hayaang manaig ang kulay o kampo.
Ang mga tagasuporta ng iba’t ibang grupo ay apektado ng parehong problema, kabilang ang mataas na presyo ng bilihin, gastos sa pagpapagamot, edukasyon at iba pang pang-araw-araw na pasanin.
“Lahat tayo ay Pilipino. Iisa ang problema natin. Sa tingin ba natin ang mga taga-suporta ng isang partikular na grupo ay nakakabili ng mas murang bilihin?” sabi ni Tulfo.
Dapat tumulong ang mga public official na pag-isahin ang bansa sa panahon ng krisis sa halip na palalimin pa ang pagkakahati-hati.
Umapela siya sa Senado na ituon ang pansin sa mandato nitong gumawa ng batas, magsagawa ng imbestigasyon at protektahan ang kapakanan ng publiko.
Ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod sa pananagutan o sa tungkuling mag-imbestiga.
“Magbalangkas na ng mga batas, mag-imbestiga sa mga iregularidad nang walang kinatatakutan, at unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino,” sabi ni Tulfo.

