Marines

Lacson: ‘Maleta Boys’ hindi magagamit para galawin ang AFP, PNP

44 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na mabibigo ang sinumang susubok gamitin ang tinaguriang “Maleta Boys” sa posibleng tangkang destabilisasyon kung inaasahan nilang makakakuha ng suporta ang grupo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) o Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Lacson, inilayo na ng uniformed services ang kanilang sarili sa 18 dating sundalo na nagsabing naghatid sila ng pera sa mga maleta sa ilang personalidad na iniuugnay sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

“The AFP and uniformed services natin, wala silang simpatiya sa 18 Maleta Boys. Dini-disown ng Philippine Marines, dini-disown ng AFP,” sabi ni Lacson sa isang panayam sa radyo.

Sinabi niya na magkakamali ang sinumang susubok gamitin ang mga dating sundalo bilang rallying point para sa militar o pulisya.

“Huwag nila gamitin ang 18 ex-Marines as a rallying point para mapagalaw ang ating Armed Forces,” sabi ni Lacson.

“They should know the members of AFP and the PNP better than how they assume na yung kikilos o hindi,” dagdag niya.

Nananatiling hati ang Senado sa leadership dispute sa pagitan ng bloc na kumikilala kay Gatchalian bilang acting Senate President at ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Lacson, maaaring naagapan na ang anumang posibleng banta na may kaugnayan sa grupo matapos magpatupad ng heightened security sa Senado ang leadership bloc na kumikilala kay Gatchalian at payagan ang mga empleyado na magtrabaho mula sa bahay.

Sinabi niya na patuloy pa ring bina-validate ng Senado ang intelligence information tungkol sa iniulat na banta sa tulong ng intelligence units ng uniformed services.

“We are in the process of assessing and validating it with the help of intelligence units of our uniformed services,” sabi ni Lacson.

Kinuwestiyon din ni Lacson kung bakit pumasok sa Senado ang 18 dating sundalo noong Hunyo 8 ngunit hindi dumalo sa Blue Ribbon Committee meeting na pinamunuan ni Senador Erwin Tulfo.

Sa halip, sinabi ni Lacson na nagtungo ang grupo sa tanggapan ni Senador Robin Padilla upang magsagawa ng press conference habang nagpapatuloy ang committee meeting.

“Wala naman silang plan mag-attend sa hearing ni Sen. Erwin Tulfo, pero bakit nandoon silang 18 at pinilit nilang ipasok?” sabi ni Lacson.

Inakusahan ni Lacson ang mga sumusuporta sa grupo na sinubukang gipitin o harasin si Senate Sergeant-at-Arms Alfredo Corpuz upang papasukin ang mga dating sundalo sa Senado.

Sinabi niya na hindi malayong pag-isipan ang posibilidad na maaaring ginamit ang grupo upang magsimula ng kaguluhan sa loob ng Senado.

“The way I assess it, personal assessment ko ito using my own experience and training, may plan ’yan,” sabi ni Lacson.

Ang 18 dating sundalo ay iniuugnay sa mga pahayag tungkol sa umano’y cash deliveries kaugnay ng flood control controversy. Ang mga pahayag tungkol sa grupo at ang mga alegasyon ni Lacson tungkol sa posibleng tangkang destabilisasyon ay nananatiling kailangang beripikahin at dumaan sa opisyal na proseso.

Ayon kay Lacson, hindi dapat maliitin ang propesyonalismo ng AFP at PNP, at malabong magtagumpay ang anumang pagtatangkang gamitin ang grupo para sa pulitikal na layunin.