sara

Patuloy na paggamit ng blended learning mode paplanuhin ng DepEd

Arlene Rivera Jul 21, 2022
207 Views

PAPLANUHIN ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatuloy ng blended learning mode na siyang ginamit sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Sa isinagawang Cabinet meeting noong Hulyo 19, isa sa tinanong ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad na ipagpatuloy ang paggamit ng blended learning mode.

Pumabor umano ang Pangulo na maglatag ng plano kaugnay nito subalit ang face-to-face classes pa rin umano ang magiging prayoridad na ipatupad ng ahensya.

Maaari umano na ang blended learning mode ay gamitin sa mga piling lugar lamang na mayroong kakaibang sitwasyon.

“Ang gawin na lang natin ay i-identify saan ‘yung areas na magbe-blended learning para maka-focus tayo. Ihanda yung mga devices at mga kailangan nila na noong pandemic hindi nasu-supply- an sa mga bata,” sabi ni Marcos. “We continue with blended learning pero in very specific places lamang. As much as possible, face-to-face na talaga.”

Ang 100 porsyentong face-to-face classes ay isasagawa simula sa Nobyembre 2, 2022 batay sa ipinalabas na Memorandum Order ng DepEd kamakailan.

Sinabi ni Duterte na gagawa ng plano ang DepEd kaugnay nito.