BBM

Patuloy na suporta ni PBBM para sa mga OFWs at kanilang pamilya pinapurihan

Mar Rodriguez Dec 18, 2024
53 Views

MadronaBILANG Chairman ng House Committee on Tourism. Pinasalamatan at pinapurihan ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa patuloy na suportang ibinibigay ng administrasyon nito para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama na ang kanilang pamilya partikular na sa panahon ng emergency.

Ang ibibigay na mensahe ni Madrona ay kasunod ng ginawang inagurasyon ng Bagong Pilipinas One-Stop OFW AKSYON (Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan) na nasa ilalim ng Department of Migrant Workers (DMW) na pinangunahan ng Pangulong Marcos, Jr.

Sabi ni Madrona na ang naturang OFW Center ay simbolo at larawan ng patuloy na suporta at serbisyong ibinibigay ng DMW para sa mga OFWs kasama na ang kanilang pamilya.

Ang pangunahing layunin nito ay matulungan ang mga OFWs mula sa kanilang pag-alis patungo sa bansang pagta-trababuhan nila hanggang sa sila’y makabalik ng Pilipinas.

Pagdidiin ng kongresista na hindi lamang ang Philippine tourism ang nagsisilbing haligi ng ating ekonomiya. Bagkos, maging ang mga OFWs na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng napakalaking remittances na ipinapasok nila sa kaban ng pamahalaan.

Paliwanag pa ni Madrona na ang pagkakaroon ng OFW Center ay maituturing din bilang insentibo at pakunsuwelo para sa napakalaking ambag na ibinibigay ng mga OFWs para sa gobyerno sa kanila ng napalaking peligrong kinakaharap nila sa ibayong dagat.