Yorme

Payout para sa PWDs, solo parents, at DSWD-listed seniors sinimulan na

Edd Reyes Dec 11, 2025
279 Views

INIUTOS ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglalabas ng P243.4 milyon pisong ayuda sa mga persons with disabilities (PWDs), solo parents, at senior citizens na nasa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) social pension program.

Sinimulan ang pamamahagi ng tulong salapi Huwebes, Disyembre 11, na layong makatulong sa gastusin sa bahay at mabayaran ang natitirang obligasyon ng lokal na pamahalaan sa mahihinang sektor.

Makakatanggap ang mga PWDs ng P500 kada buwang allowance mula Hulyo hanggang Agosto, 2025 na ang makikinabang ay 48,765 na mga adult na PWDs at 9,622 na minors, habang P500 buwanang allowance din mula Hulyo hanggang Agosto ang matatanggap ng 30,788 solo parents na aabot sa kabuuang halagang P15,548,500.

Ang malaking bahagi naman ng salapi na aabot sa P171.975 milyon ang matatanggap ng 28,364 senior citizen na nakalista sa social pension ng DSWD upang magamit nila sa panahon ng Kapaskuhan.

Ang distribusyon ng salapi na kukunin ng mga kinatwan ng barangay ay tatagal ng hanggang Disyembre 3 sa anim na distrito sa mga itinalagang mga lugar gaya ng Rosario Almario Elementary School (District 1), Florentino Torres High School (District 2), Barangay 288 Multipurpose Hall (District 3), Dr. Alejandro Albert Elementary School (District 4), San Andres Sports Complex (District 5), at Santa Ana Elementary School Covered Court (District 6).

“Ang kukuha po nito sa mga nasabing area ay yung awtorisado ng barangay—si Chairman, si Treasurer, o Secretary, kung sino man ang awtorisado sa kanila. Dadalhin sa kanya-kanyang barangay at dun na mismo po ibibigay sa inyo, sa inyong kanya-kanyang Barangay Hall,” paglilinaw ni Mayor Domagoso

Bukod naman sa Noche Buena food boxes na naipamahagi na ng lokal na pamahalaan, iniutos na rin ni Yorme Isko ang distribusyon ng Christmas gift sa mga senior citizen na kinabibilangan ng cookies, lightweight tumbler, at portable medicine box upang hindi makaligtaan ng mga lolo at lola ang pag-inom ng kanilang maintenance medicine.