Mavy

‘PBB’ hosts kanya-kanyang bet na celebrity housemates

Vinia Vivar Mar 2, 2025
24 Views

May kanya-kanyang bet din ang mga host ng “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition” kung sino ang celebrities mula sa Sparkle at Star Magic na gusto nilang pumasok bilang housemate sa Bahay ni Kuya.

Sa grand mediacon ng naturang reality show sa Dolphy Theater last Saturday, natanong ang mga host na sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Melai Cantiveros-Francisco, Alexa Ilacad, Gabbi Garcia at Mavy Legaspi kung sakaling bibigyan sila ng special power ni Big Brother na pumili, sino ang celebrity na gusto nilang papasukin sa PBB house?

Sinimulan ni Robi ang sagot at si Alden Richards ang kanyang bet.

“I’ll go with Alden para hello, love, again,” sey ng TV host.

Sabi naman ni Melai, “Gusto ko si Momshie Jols, Momshie Jolina Magdangal (ng) Star Magic because that would be fun, para magkaroon naman ng momshie doon sa loob na paano niya iha-handle ang ating mga celebrities.”

Ayon naman kay Alexa, ang pangarap niya talagang mapanood sa “PBB” house ay si Rufa Mae Quinto. Tiyak daw na panonoorin niya ito at gusto niyang makitang magsabi ng “go, go, go!” ang sexy comedienne sa Bahay ni Kuya.

Ang type naman ni Bianca na pumasok ay si Kalil Ramos, boyfriend ni Gabbi. Mukhang masaya raw na makita ang dalawa sa “PBB” bilang host and housemate.

Natawa naman si Gabbi sa sinabi ni Bianca.

‘Hoy, Kalil, babantayan kita kapag pumasok ka,” sabi ni Gabbi.

Sey naman ni Bianca, “Ibang Kalil ang makikita sa loob ng Bahay, what more ang makikilala ni Gabbi about Kalil. Wishful thinking lang.”

Ang sagot naman ni Mavy ay ang kanyang twin sister na si Cassy Legaspi.

“Gusto kong makita ‘yung kapatid ko sa loob ng Bahay ni Kuya and asarin ko siya from the outside. Hindi, joke lang,” natatawang sey ni Mavy.

Ang sagot naman ni Gabbi ay si Mavy. “Ngayon na, opening night natin ipasok si Mavy.”

Hindi pa ina-announce kung sino-sino ang celebrities na pasok sa “PBB Celebrity Collab Edition” na magsisimula na sa March 9 sa GMA-7.

As we all know, ang “PBB” ay orihinal nating napapanood sa ABS-CBN, pero ngayon ay sanib-pwersa na sila ng GMA-7 na dati ay sa panaginip lang pwedeng mangyari.