Calendar

PBBM binigyan ng Senado na isakatuparan GOP
IPINASA ng Senado ang Senate Bill No. 890 o Government Optimization Act na nagbibigay-kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isaayos ang estruktura ng mga ahensiya sa ilalim ng ehekutibong sangay upang mapabuti ang serbisyo publiko.
Naipasa ito sa ikatlo at pinal na pagbasa sa pamamagitan ng unanimous vote ng 22 senador.
Ang panukalang batas ay inakda ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, na nagpaliwanag na hindi layunin ng batas ang pagtitipid, kundi ang pagpapahusay ng pagganap ng gobyerno.
“This is not about saving money. It’s about being able to deliver services to the people more efficiently.” ani Escudero.
Sa ilalim ng batas, may kapangyarihan ang Pangulo na isakatuparan ang Government Optimization Program (GOP) na maaaring magsanib, maglipat, o magtanggal ng mga programa, opisina, o tungkulin na itinuturing nang hindi kailangan o inuulit lamang ng ibang ahensiya.
Maaari ring buuin ang mga bagong tanggapan at tungkulin upang tumugon sa pangangailangan ng serbisyo.
Lilikhain ang Committee on Optimizing the Executive Branch (COEB) upang pangasiwaan ang implementasyon ng programa, sa pamumuno ng Executive Secretary. Kabilang sa mga kasapi ang kalihim ng DBM, pinuno ng Anti-Red Tape Authority, NEDA, at Civil Service Commission.
Saklaw ng batas ang lahat ng ahensya sa ilalim ng ehekutibo maliban sa lehislatura, hudikatura, constitutional commissions, LGUs, teaching-related positions, at uniformed personnel. Mananatili ang kapangyarihan ng Pangulo sa loob ng limang taon mula sa pagsasabatas nito.