BBM2

PBBM binisita housing project sa Pampanga

Jun I Legaspi Jul 3, 2023
166 Views

BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang housing project sa San Fernando, Pampanga at muling iginiit ang pangako ng administrasyon na tutugunan ang housing backlog ng bansa.

Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang magkakasunod na paglulungsad ng mga government housing project sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program, na isa sa mga priority project ng kanyang administrasyon.

“Layunin po ng programang ito na magpatayo ng mga pabahay na malapit sa mga mahahalagang pasilidad na kinakailangan para sa mas produktibong pamumuhay,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati ng magsagawa ng inspeksyon sa Crystal Peak States project sa Pampanga.

“Maraming pamilyang Pilipino ang siguradong makikinabang sa mga komportable, abot-kaya, at ligtas na pabahay na ito,” dagdag pa ng Pangulo.

Muli ring nanawagan ang Pangulo sa bawat isa na magtulungan upang maka-ahon ang lahat sa mga pagsubok na kinakaharap.

Ang Crystal Peak States, na matatagpuan sa Barangay Del Carmen, ay isang 9.8 hectare multistory project kung saan maaaring tumira ang mahigit 8,300 pamilya.

Binisita rin ng Pangulo ang kalapit na 4PH project sa Minalin at Candaba kung saan nasa 10,000 pamilya ang makikinabang.