Bersamin Executive Secretary Lucas Bersamin

PBBM di tinanggap courtesy resignation ni Bersamin at ng economic team

20 Views

MANANATILI sa puwesto sina Executive Secretary Lucas Bersamin at limang miyembro ng economic team ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kabila ng nagpapatuloy na Cabinet shake-up na bahagi ng tinatawag na “government recalibration.”

Sa press briefing sa Malacañang nitong Biyernes, inihayag ni Bersamin na hindi tinanggap ni PBBM ang kanyang courtesy resignation at sinabi pa ng Pangulo na may buong tiwala siya sa kalihim.

“He communicated to me I have his full backing… That is a sign of his manifestation of his full trust and confidence in myself,” pahayag ni Bersamin.

Bukod kay Bersamin, tinanggihan din ni Marcos ang courtesy resignations nina Trade Secretary Maria Cristina Roque, Finance Secretary Ralph Recto, Budget Secretary Amenah Pangandaman, NEDA Secretary Arsenio Balisacan, at SAP for Investments and Economic Affairs Frederick Go

“Magpapatuloy sa panunungkulan… Makakaasa ang publiko sa kanilang sinseridad at dedikasyon,” ayon pa kay Bersamin.

Nagpasalamat naman si Budget Secretary Pangandaman sa tiwala ng Pangulo, na aniya’y nagbigay-lakas upang “mas pagbutihin pa ang serbisyo para sa bayan.”

Ayon kay Bersamin, nasa 52 miyembro ng gabinete at mga pinuno ng ahensya na ang nagsumite ng kanilang courtesy resignations bilang bahagi ng utos ng Pangulo para sa “reset” ng pamahalaan.

Tiniyak niya na magiging mas masusi ang evaluation sa performance ng mga opisyal upang tumugon sa panawagan ng publiko para sa mas mahusay na pamahalaan.

“Lahat kami ay naninilbihan lamang sa kagustuhan ng Pangulo,” diin ni Bersamin.

“Wala kaming ilusyon sa mga puwesto namin. Kapag sinabi ng Pangulo na panahon na para umalis, kami ay aalis.” Philippine News Agency