BBM

PBBM ‘hopeful’ sa liderato ni Sen. Gatchalian

22 Views

UMAASA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling bibilis ang galaw ng Senado kasunod ng pag-upo ni Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong Senate President at maituloy na ang mga panukalang matagal nang nakabinbin sa Kongreso.

Sa panayam ng media sa Kazan, Russia bago bumalik ng Pilipinas, sinabi ng Pangulo na nais niyang bumalik sa normal na takbo ang operasyon ng Senado upang maasikaso ang mga usaping may direktang epekto sa pamahalaan at mga panukalang batas na itinuturing na prayoridad.

“Sana naman, sa ‘paglagay ni Senator Sherwin bilang SP ay mabalik naman tayo sa normal na patakbo ng Senado,” ani Marcos.

Ayon sa Pangulo, panahon na upang talakayin ng Mataas na Kapulungan ang mga panukalang nauna nang tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), kabilang ang mga panukalang nakalusot na sa Kamara de Representantes ngunit naghihintay pa ng aksyon sa Senado.

“Karamihan – hindi, lahat ng nandoon, tapos na sa House. So, kailangan kunin na ng Senado para maipasa na, para maging batas,” dagdag niya.

Binanggit din ni Marcos na kabilang sa mga dapat tutukan ang mga bagong panukala kaugnay ng krisis sa langis sa Middle East, gayundin ang kumpirmasyon sa mga appointment sa foreign service at promosyon sa hanay ng militar at pulisya.

“All of those just came to a dead stop noong nagkakagulo,” ayon pa sa Pangulo.