Calendar
Delay tactics ng depensa ni VP Sara di umubra kay Luistro
NABIGO umanong maitulak ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pagtatagal ng pre-trial proceedings matapos harangin ng House prosecution panel, sa pangunguna ni Lead Prosecutor Rep. Gerville “Jinky” Luistro, ang mga hakbang na maaaring magpalawig sa proseso bago magsimula ang impeachment trial sa Hulyo 6.
Ayon sa mga impormasyong nakalap ng People’s Tonight mula sa mga source na nakatutok sa proceedings, isa sa mga pangunahing usapin sa pre-trial conference ay ang pagtatangka umano ng depensa na palawakin pa ang mga stipulations o mga bagay na maaari nang pagkaisahan ng magkabilang panig.
Subalit tumutol dito ang prosecution team.
“The Defense team tried to prolong, the prosecutors led by Cong Jinky, objected,” ayon sa isang source na may direktang kaalaman sa naging talakayan.
Sa huli, ayon sa mga source, nakuha ng prosecution panel ang nais nitong limitahan lamang ang mga stipulations sa mga kinakailangan upang hindi na humaba pa ang proseso.
Lumalabas ngayon na taliwas sa ilang social media posts at political narratives na nagsasabing napahaba umano ng depensa ang pre-trial conference.
Sa katunayan, ayon sa mga source, matagumpay na napigilan ng prosecution ang anumang hakbang na maaaring magresulta sa dagdag na pagkaantala ng trial proper.
“Process got what they wanted,” ayon sa isa pang source.
Ang pre-trial conference ay bahagi lamang ng paghahanda para sa mismong impeachment trial at layunin nitong paliitin ang mga isyung pagtatalunan at ayusin ang presentasyon ng mga ebidensiya at testigo.
Napansin din umano ng prosecution panel na malaking bahagi ng mga dokumento at testigong inilista ng depensa ay katulad ng mga nakalista na rin ng House prosecutors.
Dahil dito, umani ng pagtutol mula sa prosecution ang ilang bahagi ng pre-trial submissions ng depensa.
Ayon sa mga source, iginiit ng House prosecutors na ang layunin ng pre-trial ay malinawan ang mga isyu at hindi ang pag-uulit lamang ng mga ebidensiyang una nang iniharap ng kabilang panig.
Pinabulaanan din ng mga source ang anumang impresyon na iisang prosecutor lamang ang kumikilos para sa House panel.
Ayon sa kanila, si Luistro ay kumikilos bilang lead prosecutor ngunit may buong awtoridad at suporta ng buong prosecution team na humarap sa impeachment court.
Malinaw anilang kolektibong desisyon ng panel ang mga posisyong iniharap sa pre-trial proceedings.
Nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Vice President Duterte sa Hulyo 6 sa Senado, kung saan haharapin niya ang mga artikulo ng impeachment na inaprubahan ng Kamara de Representantes. Ang mga alegasyon ay kinabibilangan ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, bribery, at pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng gobyerno. Ng People’s Tonight News Team

