Sara

VP Sara may pananagutan sa sambayanang Pilipino – DS Ortega

103 Views

AYON kay Deputy Speaker Paolo Ortega V, may pananagutan si na-impeach na Bise Presidente Sara Duterte sa sambayanang Pilipino na dumalo sa nalalapit niyang impeachment trial at sagutin ang mga kasong isinampa laban sa kanya ng Kamara de Representantes.

“Kung ikaw ‘yung tinuturo, ikaw ang hinahanapan ng sagot, magandang manggaling sa, coming from the horse’s mouth, sabi nga nila,” ani Ortega sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Sinabi niya na kung itinataas ng Bise Presidente ang kanyang sarili sa mas mataas na pamantayan sa pamamagitan ng pagnanais na maging pangulo, dapat niyang personal na sagutin ang mga akusasyon sa impeachment.

“Kung ikaw ay naglalagay ng sarili mo sa mas mataas na pamantayan, halimbawa tatakbo kang presidente o bise presidente ng Pilipinas, may obligasyon ka sa taong bayan na sumagot. Mas mataas ang pamantayang inaasahan sa iyo kaysa sa karaniwang tao o pulitiko dahil hinalal ka ng mamamayan. Sagutin mo ang taong bayan,” aniya.

Gayunman, sinabi ni Ortega na personal niyang paniniwala na hindi dadalo ang Bise Presidente sa kanyang impeachment trial.

Naalala niya na noong mga pagdinig ng Kamara hinggil sa impeachment, tinanong siya kung inaasahan niyang haharap si VP Duterte, at ang kanyang sagot noon ay “Hindi.”

“Tinanong sa akin ‘yan noong House hearings, sabi ko hindi. Hanggang ngayon, sa tingin ko hindi pa rin siya dadalo. Hindi naman talaga siya dumadalo, kahit noong 19th Congress. Hindi rin siya nag-oath. Kaya sa tingin ko, hindi pa rin siya dadalo, bagama’t personal na opinyon ko lamang iyon,” aniya.

Ayon pa kay Ortega, bahagi ng estratehiya ng Bise Presidente at ng kanyang defense team ang hindi pagdalo sa proseso ng impeachment.

“Estratehiya nila iyon—ang hindi pagdalo, hindi pagkomento, at hindi pagpansin. Nasa depensa kung paano nila hahawakan ang usaping iyon,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Ortega na pinaghahandaan ng House prosecution team ang lahat ng posibleng mangyari sa impeachment trial, kabilang na ang posibilidad na hindi dumalo ang Bise Presidente.

“Sa tingin ko, napaghandaan ng mga prosecutor ang lahat ng senaryo. Naniniwala ako na handa sila. Marami kasing hindi pangkaraniwang estratehiya ang maaaring gawin ng depensa.

Nakikita natin na may mga paraan upang mapahaba o maantala ang proseso, ngunit napakahusay ng paghahanda ng mga prosecutor,” aniya.

Ipinahayag din ng lider ng Kamara ang paniniwalang tatanggapin ng publiko ang anumang magiging desisyon ng Senado bilang impeachment court sa kaso ng Bise Presidente.

Aniya, ipinakita lamang ng pinakabagong survey na walong sa bawat sampung Pilipino ang nais na magpatuloy ang impeachment trial.

“Ang gusto ng 8 out of 10 ay maumpisahan ang paglilitis upang masagot ang mga tanong. Anuman ang maging resulta, sa tingin ko ay tatanggapin iyon ng taong bayan. Ang mahalaga sa kanila ay magsimula ang paglilitis at magkaroon ng mga sagot,” aniya.

“Kapag marami kang tanong na nakabinbin, siyempre ang gusto mo ay makuha agad ang tama at malinaw na sagot. Wala namang gustong maraming tanong pero walang natatanggap na sagot, hindi pinapansin, at basta na lamang iniiwan,” dagdag niya.

Nang tanungin tungkol sa posibilidad ng pagbibitiw ng Bise Presidente, sinabi ni Ortega na hindi siya naniniwalang magre-resign ito, ngunit naniniwala siyang iniiwasan ng kampo nito ang paglilitis.

“Isa iyong opsyon, pero sa tingin ko ay hindi siya magre-resign. Ang nakikita ko, iniiwasan nilang magkaroon ng trial. Kaya nga noong una pa lang, gusto nilang ma-dismiss ito sa Kamara at maging sa Senado, kahit hindi naman iyon maaari dahil kinakailangang magkaroon ng paglilitis,” aniya.

Muli niyang iginiit na mahalagang magsimula ang paglilitis sa itinakdang petsa na Hulyo 6 at magkaroon agad ng desisyon.

“Bahagi lahat ito ng estratehiya at ng kanilang naratibo. Pero kailangang magsimula na ang trial upang makita ng lahat ang mga ebidensiya at mga sagot. Kailangan na itong matapos at tuldukan upang matapos na rin ang impeachment trial na ito,” diin ni Ortega.