Calendar
Handa ang House prosecutors sa anumang estratehiya ng depensa sa paglilitis kay VP Sara — Ortega
IPINAHAYAG ni Deputy Speaker Paolo Ortega V nitong Sabado ang kanyang kumpiyansa na handa ang mga House prosecutors sa anumang estratehiyang maaaring gamitin ng depensa sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.
Sa isang news forum, sinabi ni Ortega na hindi na siya magugulat sa anumang hakbang ng defense panel, kabilang na ang posibilidad na magpresenta ito ng mga testigong hindi inaasahang lalahok sa paglilitis.
“Sa tingin ko lahat ng scenarios pinaghandaan naman ng prosecutors natin,” ani Ortega sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag nang tanungin siya tungkol sa mga ulat na hindi isinama ang Bise Presidente sa paunang listahan ng mga posibleng testigo na isinumite ng defense panel sa pre-trial proceedings sa harap ng Senate impeachment court.
Bagama’t tumanggi siyang magkomento sa legal na estratehiya ng depensa, sinabi ni Ortega na naghanda ang prosecution team para sa iba’t ibang posibleng mangyari.
“Hindi ko alam kung iyon ang magiging estratehiya ng depensa, pero naniniwala ako na handa ang ating mga prosecutor anuman ang kanilang gawin,” aniya.
Iminungkahi rin ng deputy speaker na maaaring gumamit ang depensa ng mga hindi pangkaraniwang paraan habang nagpapatuloy ang paglilitis.
“Malamang maraming unconventional strategies ang gagawin ng defense diyan,” sabi ni Ortega.
Dagdag pa niya, may ilang hakbang na maaaring naglalayong pahabain ang proseso ng paglilitis, ngunit iginiit niyang handa ang House prosecution panel para rito.
“Nakikita natin na parang may ilang paraan upang mas humaba o maantala man ang proseso,” ani Ortega.
Idinagdag niya: “Pero nakahanda ang ating mga prosecutor. Napakahusay ng kanilang paghahanda.”
Binanggit ni Ortega na nagsagawa ang mga House prosecutors ng malawakang paghahanda, kapwa sa indibiduwal na antas at bilang mga grupong nakatalaga sa bawat Artikulo ng Impeachment.
“May individual preparations sila at mayroon ding group preparations para sa bawat artikulo,” aniya.
Ang House prosecution panel, na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ay nakatakdang magharap ng mga ebidensiyang sumusuporta sa apat na Artikulo ng Impeachment laban kay Duterte kapag nagsimula ang impeachment trial sa Senado sa Hulyo 6.
Nauna nang sinabi ng prosecution team na naghanda sila ng mga dokumentaryong ebidensiya at dose-dosenang mga testigo upang suportahan ang mga paratang na nakapaloob sa impeachment complaint.

