Calendar
Sotto: Ingay ni Cayetano ‘wag na patulan
NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III sa mga senador na huwag ng sagutin ang mga tirada ni dating Senate President Alan Peter Cayetano dahil dapat ng lumampas ang kapulungan sa mga palitan ng pahayag.
“It’s about time na huwag n’yo ng patulan ang mala telenovelang ingay na wala namang mararating. Waste of airtime. Let’s move on for the good of the country,” ani Sotto.
Inilabas ni Sotto ang pahayag matapos muling batikusin ni Cayetano ang mga senador na sumuporta sa bagong liderato ng Senado kabilang sina Sotto, Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Raffy Tulfo at Sen. Erwin Tulfo.
Ginamit ni Cayetano ang mga salitang “tuta” at “lapdogs” sa pagbatikos sa ilang senador.
Tinukoy niya sina Sotto at Raffy Tulfo bilang “lapdogs” ni President Ferdinand Marcos Jr., at inilarawan si Erwin Tulfo bilang “lapdog” ni Lacson.
Binatikos din ni Cayetano si Lacson kaugnay ng papel nito sa Senate leadership dispute na humantong sa pagkakapalit ni Cayetano bilang Senate President.
Bilang tugon, binatikos ni Lacson ang mga sinabi ni Cayetano.
“Kawawa naman. Kung anu-ano na sinasabi. Parang malapit ng bumigay. Sana hindi matuluyang mag-meltdown. Ipagdasal natin na huwag makaisip magpatiwakal,” sabi ni Lacson.
Naganap ang palitan matapos mahalal si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian bilang tunay na Senate President.
Saklaw ng leadership dispute ang mga isyung inihayag ng magkabilang panig tungkol sa kung sino ang may authority na mamuno, kung maaaring magpatuloy ang sesyon, paano ire-reorganize ang mga komite at sino ang may kontrol sa agenda ng Senado.
Una ng tinaya ni Lacson sa P700 milyon ang naging halaga ng 28-day Senate impasse, batay sa iniulat na P25-million daily operating cost ng kapulungan.
Kinontra ni Cayetano ang computation at sinabing patuloy pa ring gagastusin ng Senado ang daily expenses nito kahit sino ang nakaupong Senate President.
Hindi na dapat pahabain ng mga senador ang palitan ng pahayag at sa halip ay ituon na ang pansin sa trabaho ng Senado.

